PULILAN, Bulacan – Panauhing Pandangal si United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa ginanap na “Usapang Dangal” na inilunsad ng Dangal ng Bulacan Foundation, Inc. (DBFI) sa North Polo Club sa Pulilan, Bulacan nitong Sabado, Abril 29, 2023
Bahagi ng programa ang pagpapaigting ng ugnayan o relasyon ng Pilipinas sa bansang Amerika partikular na sa lalawigan ng Bulacan.
Bukod kay US Ambassador Carlson ay kasama rin sa nasabing forum sina Undersecretary Ma. Theresa Lazaro ng Department of Foreign Affairs (DFA), Bulacan Vice Gov. Alex Castro, Cong. Ambrosio Cruz Jr. ng 5th District, Gladys Sta. Rita, pangulo ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc., tagapangulo nitong si Gregoria Simbulan.
Inorganisa ito ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng DFA, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI.
Kasabay nito, hinikayat ng DFA ang mga Bulakenyo na yakapin at pasukin ang iba’t ibang oportunidad na resulta ng muling paglago ng ugnayan ng Pilipinas at ng United States.
Sinabi ni DFA Usec. Lazaro, na ngayon ang pinakamainam na pagkakataon upang muling lingunin o balikan ang ugnayan ng dalawang bansa dahil sa paglitaw ng mahabang listahan ng mga oportunidad na nagbukas sa larangan ng connectivity at digitalization, E-Commerce, energy, education, agriculture, defense at tourism.
Ang pagtitipon na ito ng iba’t ibang sektor ng mga Bulakenyo ay bilang maagang pakikiisa sa pagdiriwang ng Ika-77 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Diplomatikong Relasyon ng Pilipinas at United States.
Sa mensahe ni Carlson, komprehensibong tinalakay nito ang nasabing mga oportunidad na posibleng pakinabangan ng maraming mga Bulakenyo.
Una rito, tiniyak ng ambassador na mas dadami pa ang mga flights na patungo at mula sa United States kapag nabuksan na ang P745-billion New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.
Natamo ng Pilipinas ang Category 1 civil aviation status mula sa United States Federal Aviation Administration o U.S. FAA noong 2014. Nangangahulugan ito na uubrang magbukas ng mga karagdagang flights na mula sa Pilipinas papasok sa west at east coast ng United States.
Para kay Ambassador Carlson, magsisilbing ‘Launching Pad’ ng Pilipinas ang itinatayong NMIA tungo sa lalong pag-unlad ng ekonomiya at pagpapalakas pa ng ugnayan sa ibang bansa.
Ipinaliwanag niya na hindi lamang ito tungkol sa pagkakaroon ng isang modernong paliparan, kundi magsisilbing mekanismo rin upang lalong mabuksan ang Pilipinas sa mas malaking oportunidad ng pandaigdigang kalakalan gayundin ang posibilidad na magresulta sa pagtaas ng kita ng karaniwang mamamayan.
Kaya naman habang nasa kasagsagan pa ang pagtatayo ng NMIA ayon pa kay Ambassador Carlson, kinakailangan din na sabayan ito ng pagpapabuti ng sistema at koneksiyon sa internet.
Bilang ambag sa layuning ito, may halagang P1 bilyon o US$18 milyon ang inilaan ng United States Agency for International Development o USAID para sa proyektong SPEED o Strengthening Private Enterprises for Digital Economy.
Tutulong ito sa mga nasa sektor ng micro, small and medium enterprises o MSMEs upang mas marami ang mai-onboard sa iba’t ibang E-Commerce platforms.
Kabilang sa tutugunan nito ang logistical supply chains, pagpapalakas ng E-Payment systems, mga Fintech Innovations at tiyakin ang epektibong consumer awareness and protection.
Binigyang diin pa ng ambassador na maihahanda ang mga MSMEs sa Bulacan at maging ng buong bansa sa paglahok sa binuong Indo-Pacific Economic Framework o IPEF.
Bilang inisyal na resulta nito, nagkasundo ang Pilipinas at United States na pag-ibayuhin ang kooperasyon sa larangan ng renewable energy gaya ng off-shore wind farm, green metals tulad ng nickel ore processing, battery manufacturing, hyperscaler data centers at mga long-haul trucking industry.
Ibinalita rin ng ambassador na kabilang ang IPEF sa pangunahing pag-uusapan at pagtitibayin, sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit sa California sa United States sa darating na Nobyembre 2023.
Source: PIA3-Bulacan