LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Sumentro ang pagdiriwang ng Ika-97 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Dating Senate President Blas F. Ople, sa pagdalumat ng kanyang malalaking ambag sa ugnayang panlabas ng Pilipinas noong siya’y manungkulan din bilang secretary ng Department of Foreign Affairs o DFA.
Para kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo Jose De Vega, na kumatawan kay Secretary Enrique Manalo bilang panauhing pandangal, ang mga natatanging pamana ni Ople ay lalong nagpataas sa reputasyon ng Pilipinas sa international community.
Sumentro aniya ito sa pagbalangkas ng pangunahing foreign policy ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung kailan siya nahirang na secretary ng nasabing kagawaran, kagaya ng national security, economic diplomacy at protection of migrant workers.
Inalala ni Undersecretary De Vega na kabilang sa mga unang ipinatupad ng DFA sa panahon ni Ople ang Overseas Absentee Voting Act of 2003 o ang Republic Act 9189.
Itinuturing na makasaysayan dahil ito aniya ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pagkakataong makaboto o makalahok sa ganitong uri ng demokratikong proseso ang mga Overseas Filipino Workers o OFWs.
Kilala rin si Ople na nagpasimula na makapagpadala ng noo’y tinatawag na Overseas Contract Workers o OCWs mula noong 1970s at naging instrumento upang maitatag ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA, na ngayo’y Department of Migrant Workers o DMW.
Pinasimulan din ng DFA noong 2003 ang pagpapatupad sa Citizenship Retention and Re-acquisition Act o ang Republic Act 9225. Isa itong batas tungkol sa ‘Dual-Citizenship’ kung saan ang isang mamamayan ng Pilipinas ay maaaring maging mamamayan din ng ibang bansa sa magkaparehong panahon.
Pwede ring bumalik sa pagiging Filipino Citizen ang isang indibidwal na minsang naging citizen o mamamayan ng bansang tinirahan sa mahabang panahon.
Sa larangan ng seguridad, naging matibay na haligi ng ugnayang Pilipinas at United States si Ople sa panahon na siya’y secretary ng DFA.
Ipinaglaban niya ang makatwirang pagpapatupad sa Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng dalawang bansa simula noong 2002 upang magsilbing implementation agreement ng United States-Philippines Mutual Defense Treaty.
Nagbunsod ito ng taunang Balikatan Exercises na bukod sa joint military training, nagbukas din ito ng pinto upang mapondohan ng United States ang mga development projects gaya ng airport runway, paaralan, health center, water supply, ecological balance, micro, small and medium enterprises at iba pang socio-civic projects.
Ipinaliwanag ni Undersecretary De Vega na ang inisyatibong iyon ay sinuklian pa ng United States nang ideklara nito ang Pilipinas na kabilang sa kanilang Major Non- NATO (North Atlantic Treaty Organization) Ally noong Oktubre 2003.
Nangangahulugan ito ng pagiging prayoridad ng bansa sa mga military supplies mula sa United States gaya ng armas, barko at mga eroplano na makakatulong sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Hanggang ngayon aniya ay napapakinabangan ito ng Pilipinas para sa paninindigan para sa teritoryo, soberenya, kalayaan sa paglalayag at pangingibabaw ng mga umiiral na batas.
Para naman sa larangan ng economic diplomacy, sinabi rin ni Undersecretary De Vega na nagawaran noon si Ople ng ‘Premio Zobel’ mula sa Kingdom of Spain dahil sa pagtataguyod nito ng masiglang ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at nasabing bansa.
Hanggang ngayon aniya ay patuloy na sumisigla ang relasyon ng Pilipinas sa Kingdom of Spain at mga kalapit na bansa nito sa Europe.
Kaya naman tinututukan ngayon ang paggulong ng negosasyon para sa binabalangkas na Philippines-European Union Free Trade Agreement na magbubukas ng mas malaking merkado para sa mga produktong likha ng mga Pilipino. Gayundin ang pagbubukas ng mga karagdagang oportunidad sa trabaho sa Europe para sa mga OFWs.
Samantala, pinaalalahanan ni Gobernador Daniel Fernando ang mga kabataan na sikaping alalahanin at huwag makalimutan si Ople at ang kanyang mga pamana. Malaki aniya ang utang na loob ng kasalukuyang henerasyon sa kanya dahil sa mga nagawang hanggang ngayon ay umiiral at pinakikinabangan.