
SAN MIGUEL, Bulacan (PIA) — Paiigtingin ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtutulungan na mapataas ang tsansa na makahanap at makapasok ng trabaho ang isang graduate ng Grade 12.
Sa pagbubukas ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na ginanap sa Ricardo Silverio Center sa San Miguel, Bulacan, ibinalita ni DepEd Central Luzon Regional Director Tolentino Aquino na sisimulan na sa susunod na taong aralan ang Enhanced Senior High School Curriculum.
Ito’y upang mas mapalakas ang competitiveness ng mga nagtapos sa Grade 12 kung sila man ay magtutuloy sa kolehiyo, magtatrabaho para makaipon sa pagkokolehiyo at makapagsimula na makapagbukas ng negosyo.
Sinabi naman ni DOLE Bulacan Field Office Chief Jose Roberto Navata na bukod sa job facilitation o pagkuha ng mga potential employers para sa mga batang naghahanap ng trabaho, tinututukan aniya ng ahensiya ang pagsasagawa ng libreng career guidance.
Ito ang pagkakataon na maipaalam at maipaunawa sa mga naghahanap ng trabaho sa ganitong mga edad ang kahulugan ng general labor standards na tumatalakay sa mga karapatan at benepisyo ng isang manggagawa.
Kasama rin rito ang mga pagtalakay upang mahikayat ang mga nagsipagtapos sa Grade 12 na sila’y maging ‘tamang tao sa tamang trabaho’ na may ‘tamang kakayahan para sa isang tamang trabaho’.
Matapos ang career guidance seminar ng DOLE, sinalubong ng mahigit 1,200 na mga trabaho ang mga bagong graduates na Grade 12.
Pawang mga blue collar jobs ang inialok sa halos 600 na mga mag-aaral ng mga nasa industriya ng retail, food, manufacturing at office operations.
Kaugnay nito, tiniyak ni Aquino na tututukan ang magiging kalagayan ng mga Grade 12 na mapapasok sa trabaho upang matiyak na maayos ang kanilang kalagayan.
May inisyal na walong Grade 12 graduates ang naging Hired On The Spot o HOTS tulad ni Allen Axel Alpuerto ng San Miguel National High School.
Natanggap siyang welder sa planta ng Eagle Cement ng San Miguel Corporation sa San Ildefonso, Bulacan.
Aniya, bagama’t malayo ito sa kanyang strand na HUMMS na nakatutok sa larangan ng human behavior, literature, philosophy, politics at social sciences, malaking bagay ito upang matulungan ang kanyang ina na isang solo parent, na ang ikinabubuhay ay pag-aalaga ng isang bed ridden.
Samantala, binigyang diin naman ni Provincial Public Employment Service Office (PPESO) Head Egbert Robles na masusukat ang tagumpay ng K to 12 program sa magiging kalidad at dami ng mga graduates nito na magkakaroon ng disenteng trabaho.
Kaya’t hinikayat niya ang mga may interes na makapagbukas ng sariling negosyo o nais makakuha ng skilled jobs, na subukang kumuha ng libreng livelihood training sa PPESO.
Ang sistema, magpatala lamang sa PPESO na nasa PESO Building sa bakuran ng Kapitolyo sa Lungsod ng Malolos anumang panahon upang maitakda kung kalian pwedeng magsimula.
Gaganapin ito sa katabing Blas Ople Livelihood Center kung saan sa pagtatapos ng panahon ng pagsasanay, magbibigay naman ang DOLE ng mga starting kits ayon sa kinuhang training.





