Nanawagan ang dalawang alkalde mula sa lalawigan ng Pampanga at Tarlac sa ahensya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na manguna sa pagtukoy sa kakayahan ng mga alternatibong sanitary landfills na iniaalok ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) nang sa gayon ay matiyak na walang anumang magiging problema sa hinaharap kaugnay sa pagsasara ng lone-engineered Kalangitan sanitary landfill sa Oktubre.
Sa isang pahayag sa media nitong weekend, sinabi ni San Fernando City Mayor, Vilma Caluag na ang DENR ang siyang gagawa ng mga kinakailangang assessment at masusing pag-aaral upang matukoy ang kakayahan ng mga alternatibong sanitary landfill na ito.
“As the agency in-charge of regulating and issuing the necessary permits and clearances to operate based on existing laws, the responsibility lies in their hands. It is their main responsibility should anything happen,” giit ni Caluag.
“The supposed alternative site offered by BCDA will take at least a year to develop and become acceptable as a sanitary landfill to fill in the void left by the closure of the current Sanitary landfill in Capas,” ayon kay Mayor Caluag.
Nangangamba ang lady mayor na ang pagsasara ng 100-ektaryang Kalangitan Sanitary Landfill sa Oktubre ng taong ito ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ng Clark Development Corporation (CDC) ay magkakaroon ng matinding epekto sa kabisera ng lungsod at sa buong rehiyon ng Central Luzon.
Ang Lungsod ng San Fernando, na tahanan ng malalaking kumpanya tulad ng San Miguel Brewery, ay nagdadala ng 11 hanggang 13 bins, na katumbas ng 120 hanggang 125 metrikong tonelada ng basura araw-araw.
Umapela siya para sa pagpapanatili ng Kalangitan Sanitary Landfill hanggang sa panahong mayroon nang isang alternatibo at katanggap-tanggap na sanitary landfill.
Kaugnay nito, sinabi ni Capas Mayor Roseller Rodriguez ang pananaw ni CSF Mayor Caluag na dapat tiyakin ng DENR na ang mga alternatibong pasilidad ng basura ay nakakasunod sa kapaligiran.
“Ang mandato ng DENR ay mag-isyu ng kinakailangang clearance/permit kung ang mga alternatibong disposal sites na ito ay sumusunod sa mga batas sa kapaligiran upang payagang tumanggap ng mga waste materials.”
Ayon kay Rodriguez, ang pagkabahala ni Caluag sa posibleng pagkagambala sa pamamahala ng basura at proseso ng pagtatapon nito ay hindi dapat mangyari sakaling biglang isara ang Kalangitan Sanitary landfill.
May 104 na LGU sa Central at Northern Luzon ang naunang nagpetisyon sa DENR Secretary na ipagpaliban ang pagsasara ng Kalangitan Sanitary landfill habang itinuturo nila ang kritikal na papel nito.
Hinimok ng mga LGU ang DENR na panatilihin ang operasyon ng Capas landfill habang naghahanap ng long term solution upang matugunan ang kasalukuyan at patuloy na pagtaas ng mga pangangailangan sa pamamahala ng basura sa hinaharap ng 2 rehiyon.
“We are alarmed by the absence of comparable alternatives, as other facilities are either not fully capacitated, non-compliant with RA 9003, too small, or financially unfeasible for our local government budgets,” dagdag nila.
Ang mga humahawak ng mga ospital at nakakalason na basura, kabilang ang KLAD Sanitation Services, ay nagbabala din sa isang “major health crisis” sakaling magkatotoo ang nakaplanong pagsasara ng landfill.
Ang environmentally compliant Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC), operator ng Capas waste facility ay tumatanggap ng 4,000 hanggang 5,000 metric tons ng mga basura araw-araw para itapon.
Ito rin ang sentimyento ng mga LGU sa lalawigan ng Bulacan kung saan ang ilan sa mga mayor dito ay nagsasagawa na ng contingency plan para maiwasan ang posibleng waste at health crisis oras na magsara ang Capas landfill.
Nabatid na nasa 12 bayan sa Bulacan na may mahigit 1.8-milyon residente at 180 ospital at health-care facilities ang inaasahang maapektuhan ng naturang landfill closure.
Ilan sa mga alkalde rito ang naghahanap na ng paraan bago pa harapin ang pinangangambahan waste disposal crisis.
Kabilang sa mga ito ay ang bayan ng Marilao, Calumpit, Dona Remedios Trinidad, Paombong, Plaridel, San Miguel, San Rafael, Sta. Maria, San Ildefonso, Pulilan, Bocaue, at Pandi.