Delubyo pinangangambahan sa Bulacan kapag bumigay ang Bustos Dam

Hinamon ni Gobernador Daniel R. Fernando sa kanyang privilege speech ang Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Bise Gob. Alexis C. Castro sa sesyon ng SP na ginanap sa Benigno Aquino Sr. Session Hall, Lungsod ng Malolos, Bulacan nitong Huwebes, Setyembre 29, 2022 na magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa hindi pagsunod ng mga kontratista ng Angat Afterbay Regulation Dam o Bustos Dam na ayusin ang nasirang rubber bladder. (Photo: PPAO)
LIBU-LIBONG buhay ang pinangangambahang masasawi, 80 barangay at nasa mahigit sa 15 ektaryang sakahan ang mapipinsala at malulubog sa baha sa Bulacan sa oras na tuluyang bumigay depektibong  rubber gates ng Angat Afterbay Regulation Dam o Bustos Dam.
 
Dahil dito, nagbigay ng ultimatum si Governor Daniel Fernando na 10-araw sa mga kontratista ng nasirang rubber bladder ng Bustos Dam upang aksyunan ang kanyang demand letter at kung hindi ay sasampahan niya ang mga ito ng kasong sibil at kriminal.

 

“We must act now. We demand the immediate removal and replacement of all six gates under the contract for Bustos Dam. Kapag hindi, I will not hesitate to file civil and criminal cases sa lahat ng kasangkot sa usaping ito,” anang gobernador sa kanyang privilege speech sa regular session ng Sangguniang Panlalawigan (SP) na ginanap sa Benigno Aquino Sr. Session Hall ng kapitolyo sa Lungsod ng Malolos nitong Huwebes.

 

Inatasan rin niya ang mga miyembro ng SP sa pangunguna ng kanilang Presiding Officer at Bise Gob. Alexis Castro na magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa nasabing usapin.

 

Ito ay matapos na mabigo ang ITP Construction, Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd. na ayusin ang sirang rubber bladder sa Bay 5 ng Bustos Dam na nangyari isang taon lamang matapos ang rehabilitasyon nito at habang nasa ilalim pa ng warranty ang kontrata.

 

Sinabi ng gobernador na hindi pinapansin ng mga kontratista ang hindi mabilang na follow up at demand letter na ipinadala sa kanila ng National Irrigation Administration (NIA) sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

 

Tinawag rin ni Fernando ang atensyon ng NIA upang akuin ang responsibilidad sa pagkakaantala ng pagsasaayos ng nasirang rubber gate.
 
Aniya, delubyo sa mga Bulakenyo ang magiging resulta sakaling hindi maagapan at tuluyang masira o bumigay ang lahat ng rubber bladder ng dam.
 
Nabatid na libu-libong buhay ang magbubuwis at nasa 15,706 ektaryang taniman ng palay at gulay na may 12,904 magsasaka at tinatayang pinsala na aabot sa P880,964,445 hanggang P2,690,255,147 sa sektor ng agrikultura; at maaaring magkaroon ng masamang epekto sa 80 barangay mula sa dalawang lalawigan ang magiging epekto at pinsala nito sakaling tuluyang bumigay ang Bustos Dam.

 

Magugunita na noong Hunyo 2020, bumigay ang rubber gate sa Bay 5 ng Bustos Dam na hinihinalang dahil sa mababang kalidad ng mga materyales na ginamit ng mga kontratista sa rehabilitasyon ng nasabing dam. Dito rin napatunayan na ang mga ginamit na materyales ay pawang mga depektibo.