LUNGSOD NG MALOLOS – Inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kaniyang pag-apruba at suporta sa pagkakahirang ni dating Angat Mayor Angelito S. Vergel De Dios bilang bagong Commissioner ng Department of Justice – Presidential Commission on Good Government na itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Bilang bagong commissioner, ipinagkakatiwala kay Commissioner Vergel De Dios ang awtoridad na gampanan ang kaniyang mga tungkulin at gumawa ng mga desisyon sa loob ng PCGG at ang kanilang pangunahing responsibilidad ay ang pagbawi ng mga ninakaw na yaman, imbestigahan ang ibang kaso ng graft at corruption, at magbalangkas ng mga corruption prevention measures.
Nakamit ni Vergel De Dios ang kanyang pagkakatalaga sa pamamagitan ng mga karanasan niya mula sa mga nakaraang serbisyo sa gobyerno kabilang ang panunungkulan bilang Traffic and Transport Management Office (TTMO) Executive Director ng Metro Manila Development Authority (MMDA) mula taong 2003-2014 kung saan nagdisenyo siya ng mga bagong istratehiya para sa traffic engineering education and enforcement, na nag-ambag sa patuloy na pagpapabuti ng kasalukuyang sistema.
Ipinanganak at lumaki sa Lalawigan ng Bulacan, isa rin siya sa mga kilalang Bulakenyong lingkod bayan na naglingkod bilang Punong Bayan ng Angat mula taong 1998-2001 kung saan naipatupad niya ang Traffic Management System sa kanilang munisipalidad, bumuo ng Ecotourism Project para i-rehabilitate ang Angat River at pinangunahan ang inisyatiba na magtayo ng karagdagang mga silid-aralan para sa mga pampublikong paaralan sa Angat.
Maliban dito, itinatag niya ang kanyang maagang propesyonal na karera bilang Direktor II (Barangay Operation Center) ng MMDA mula 1994-1998; MMDA Community Development Officer V (Barangay Operation Center) mula 1983-1994 at Field Officer (Barangay National Executive Secretariat) ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong taong 1974-1982.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Fernando ang mahusay na serbisyo ni Vergel De Dios at sinabing karapat-dapat siyang umunlad sa kanyang karera.
“Your professional journey is marked by the experiences you accumulate and the achievements you attain along the way. Ipinagmamalaki ka ng buong lalawigan, lalo na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan,” ani Fernando.