LUNGSOD NG MALOLOS – Pinarangalan si dating Gobernador Roberto “Obet” Pagdanganan bilang isa sa 12 natatanging Bulakenyo sa idinaos na Gawad Dangal ng Lipi 2022 sa One Grand Pavilion Events Place, Blas Ople Diversion Road, Brgy. Bulihan sa lungsod na ito kahapon.
Nagwagi si Pagdanganan na mula sa bayan ng Calumpit sa kategoryang Paglilingkod sa Bayan. Kabilang sa iba pang binigyang pagkilala sina Yolanda C. Riguer ng Angat (Agrikultura); Marciano E. Par, Jr. ng Norzagaray (Bulakenyo Expatriate); Romeo L. Dela Rosa, SFRIM, FRIEdr ng Plaridel (Edukasyon); Darlyn L. Calderon ng Pulilan (Entreprenor); Jessie Khing D.G. Lacuna, Oly ng Pulilan (Isports); Dr. Julius Caesar V. Sicat ng San Ildefonso (Agham at Teknolohiya); Romeo A. De Jesus, CPA ng Lungsod ng San Jose Del Monte (Paglilingkod Pampamayanan); Demetrio L. Bajet, Jr. ng Pulilan (Pangangalakal at Industriya); Rehente Raul C. Pagdanganan ng Calumpit (Pangkalusugan); Abgd. Rustico T. De Belen ng Doña Remedios Trinidad (Propesyonal); at Dr. Jaime B. Veneracion ng San Ildefonso (Sining at Kultura).
Pinasalamatan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis Castro ang mga bagong pangkat ng makabagong bayani sa kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa komunidad at sa bansa.
“All of you have answered the call to bring honor and change to our beloved province and I am a witness of your sacrifice, thus on behalf of the Bulakenyos, from the bottom of my heart, thank you so much Bulakenyos. Ito ay selebrasyon ng ating tagumpay at nagkakaisang sagisag ng kahusayan ng ating lahing iniluwal mula po sa makulay at mayamang sining ng ating lalawigan,” ani Fernando.
Maging si Castro ay nagpaabot din ng kaniyang personal napasasalamat sa mga mahahalagang nai-ambag ng mga bagong Dangal ng Lipi awardee para sa lalawigan ng Bulacan bilang mga natatanging Bulakenyo.
Samantala, iginawad ang Sertipiko ng Pagpupugay sa pamilya ni dating DNL awardee sa Larangan ng Isports na si Lydia De Vega-Mercado, ang “Fastest woman in Asia”, na yumao noong nakaraang buwan, bilang isa sa mga dakilang Filipino sports icons na nagbigay ng malaking karangalan sa probinsya.