Tatlong truck ng buhay na manok na nagkakahalaga ng halos P2-million ang ipinamigay nang libre ng mag-asawang tinaguriang ‘Good Samaritan’ na sina Engr. Danilo Baylon at Apo Aniway Baylon para sa 4,500 families na siya nilang pandagdag sa handa para sa pagdiriwang ng kapistahan ng Parokya ng Nuestra Señora Dela Merced sa Barangay Bahay Pare sa Candaba, Pampanga nitong Biyernes, Setyembre 22, 2023.
Nasa kabuuang 9,000 piraso ng buhay na manok ang ipinamahagi nang libre ng kumpanyang Dan Way Processing Corporation sa mga residente ng nasabing lugar para magamit panghanda sa pagdiriwang ng kapistahan nasabing Parokya.
Ang mag-asawang Dan at Aniway Baylon ang may-ari ng Dan Way Processing Corporation na mayroong iba pang sangay sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa na siyang tanging kumpanya na patuloy na naghahatid ng mga charity activities tulad nito.
Ayon kay Engr. Baylon, bawat pamilya ay nakatanggap ng tig-2 manok at bukod pa rito ang pinamigay din na mga itlog at cash na pandagdag pambili ng sahog.
Labis ang tuwa at pasasalamat ng mga residente ng Barangay Bahay Pare sa natanggap na dagdag panghanda sa kanilang Pista ng Patron ng Nuestra Señora Dela Merced.
Si Baylon ay dating alkalde sa bayan ng Candaba 2016-2019 na kauna-unahan sa history ng Candaba na mayor na ipinahinto ang lahat ng uri ng pasugalan.
Nabatid na ang nasabing aktibidad ng pagtulong gaya ng pamimigay ng libreng manok ay regular na isinasagawa ng Dan Way simula pa noong 2009 nang makaranas ng himala ang asawang si Aniway Baylon kung saan sila ay inatasan umano ng Diyos na tumulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga mahihirap.
Mula noon gamit ang temang “Diyos, Dignidad at Disiplina” ay hindi na tumigil ang mag-asawang Baylon sa pagtulong.
Bagamat hindi pinalad sa ikalawang termino ay hindi ito naging hadlang upang itigil ang kanilang adbokasiya sa pagtulong kung saan ay lalo pa silang naging aktibo upang ipalaganap at magpatotoo ng mga salita at pangako ng Diyos sa sanlibutan.
Ito rin ang naging paraan ng pagtulong ng mag-asawang Baylon noong kasagsagan ng pandemiya dulot ng Covid-19 kung saan ay umikot sila sa buong bansa upang mamigay ng manok at itlog sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng lockdown.
“Ibinabahagi lang namin ang mga blessings natatanggap namin sa aming kapwa na siyang iniatas sa aming mag-asawa ng ating Panginoon,” wika ni Apo Aniway.