Dagdag na ruta para sa kalakal mula Gitnang at Hilaga Luzon, 98% nang tapos

NLEX-SLEX Connector Road
Madadaanan na sa huling bahagi ng Marso 2023 ang bagong gawa na NLEX-SLEX Connector Road na ngayo’y 98% na ang natatapos. Ito ang magiging bago at mabilis na ruta ng mga mangangalakal at motorista mula sa gitna at hilagang Luzon na papasok sa Metro Manila. (Shane F. Velasco)

Bubuksan na sa katapusan ng Marso 2023 ang NLEX-SLEX Connector Road ngayong nasa 98% na ang natatapos sa proyekto.

 

Ito ang bagong ruta ng mga kalakal mula sa gitna at hilagang Luzon papasok sa Metro Manila bukod sa Skyway Stage 3.

 

Ayon kay Luigi Bautista, pangulo ng NLEX Corporation, humahaba na ang ruta ng North Luzon Expressway (NLEX) na umaabot na ngayon sa Espanya, Maynila. Kaya’t ang dating biyahe mula sa Bocaue Toll Plaza na papasok sa lungsod na nasa mahigit isang oras ay magiging 15 minuto na lamang.

 

Bahagi ito ng walong kilometro na apat na linyang elevated expressway na bumabaybay sa ibabaw ng riles ng Philippine National Railways (PNR).

 

Ito ay mula sa bahagi ng NLEX-North Harbor Link sa C-3 Road sa Caloocan hanggang sa Sta. Mesa kung saan ikakabit ito sa istraktura ng Skyway Stage 3. Magsisilbi itong pangatlong alternatibong ruta upang makatawid mula sa NLEX patungo sa South Luzon Expressway (SLEX) o pabalik bukod sa Skyway Stage 3 at sa NLEX-C5 link.

 

Sinabi naman ni Department of Budget and Management o DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran na ipinalabas na ng ahensiya ang P495 milyon para sa pagkukumpleto right-of-way o ROW ng natitirang segment ng  NLEX-SLEX Connector Road Project.

 

Itinayo ang proyektong NLEX-SLEX Connector Road Project sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer o BOT na isang mekanismo ng Public-Private Partnership o PPP kung saan ang NLEX Corporation ang napiling konsesyonaryo ng proyekto sa loob ng 37 taon.

 

Sa sistemang ito, ipinagkakaloob ng pamahalaan ang konsesyonaryo sa isang kwalipikadong pribadong kompanya upang mamuhunan para sa pagtatayo at pangangasiwa ng isang partikular na imprastraktura. Pagkatapos ng napagkasunduan na panahon ng konsesyon, ibabalik na sa pamahalaan ang karapatan sa pangangasiwa ng itinayong imprastraktura.

 

Sa ngayon, naitawid na ang viaduct ng NLEX-SLEX Connector Road sa ibabaw ng Blumentritt Station ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 at sa ibabaw ng tulay ng Dimasalang.

 

Taong 2008 nang unang kinonsepto ang proyekto at pormal na pinasimulan noong 2019 na pinondohan ng konsesyonaryo sa halagang P23 bilyon.

 

Samantala, tiniyak ni Julius Corpuz, tagapagsalita ng Toll Regulatory Board o TRB, ang maayos na magiging sistema nitong bagong tollways system partikular na ang epektibong koleksiyon ng toll at epektibong mga pasilidad nito.

 

Para naman kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Emil Sadain na isa ito sa mga halimbawa ng matatagumpay na proyekto na naisakatuparan sa pamamagitan ng PPP.

 

Kaya’t mas mapapalawak at mapapaigting pa ito ng mga karagdagang imprastraktura na gagawin sa ilalim ng Build-Better-More Infrastructure Program ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.