LUNGSOD NG MALOLOS- Ginawaran ng Department of Agriculture (DA)-Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ng Special Citation Award ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ginanap na RCEF Awards Recognition of Partners sa DA-PhilRice Central Experiment Station, Science City of Muñoz, Nueva Ecija noong Agosto 5, 2022 upang kilalanin ang mga kontribusyon nito bilang hindi matatawarang katuwang sa pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)- Seed and Extension Programs for 2022 Wet Season.
Naging instrumento ang pamumuno at paggabay ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagkamit ng 100% ng seed delivery target sa lalawigan, na nagbigay-daan upang makamit ng 14 bayan at dalawang lungsod sa lalawigan ang cumulative distributionrate na 98%.
Sinigurado ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyong magsasaka na pangunahing prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagpapataas ng competitiveness at kita ng mga ito.
“Batid po natin ang kahalagahan ng mga magsasaka sa ating paglago bilang isang lalawigan, at bilang isang bansa. Kung hindi po dahil sa inyo ay wala tayong ihahain sa ating mga hapag-kainan. Magtiwala po kayo na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office ay inyong kakampi sa pangangalaga ng inyong kapakanan,” anang gobernador.
Ang ibang mga bayan at lungsod na nagkamit ng kaparehong pagkilala ay ang Lungsod ng San Jose del Monte, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Hagonoy, at Paombong para sa kategoryang Small Scale; Angat, Baliwag, Bustos, Lungsod ng Malolos, Norzagaray, Pandi, Plaridel, Pulilan, at Santa Maria para sa kategoryang Medium Scale; at San Ildefonso at San Miguel sa kategoryang Large Scale.
Nilikha ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law ang RCEF o Rice Fund upang mapabuti ang competitiveness at kita ng mga magsasaka ng palay sa gitna ng liberalisasyon ng rice trade policy ng Pilipinas na nagtanggal ng quantitative restrictions sa pag-import ng bigas at pinalitan ito ng taripa, bukod sa iba pa.