DA, namahagi ng fertilizer voucher sa mga magsasaka ng N.Ecija

May 28 magsasaka sa bayan ng Zaragosa, Nueva Ecija ang tumanggap ng mga fertilizer discount voucher mula sa Department of Agriculture. (DA Central Luzon)

LUNGSOD NG CABANATUAN — Namahagi ng mga fertilizer discount voucher ang Department of Agriculture o DA sa mga magsasaka ng Zaragosa, Nueva Ecija. 

 

Sa ilalim ng National Rice Program, may 28 magsasaka ang inisyal na napagkalooban bilang ayuda sa gitna ng pagtaas ng presyo ng abono.  

 

Ayon kay DA Regional Rice Program Coordinator Lowell Rebillaco, ito ay may halagang katumbas ng 1,131 piso kada ektarya para sa mga sakahang tinaniman ng inbred seeds, at 2,262 piso naman kada ektarya para sa hybrid seeds.

 

Inaasahang aabot sa 2,250 magsasaka mula sa Zaragosa ang makikinabang sa programa ng kagawaran katuwang ang lokal na pamahalaan.  

 

Kwalipikadong makatatanggap ng fertilizer discount voucher ang mga rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA at nakapag-avail ng rice seeds. 

 

Kaugnay nito, nanawagan si Rebillaco sa mga benepisyaryo na hikayatin ang kanilang kapwa magsasaka na hindi pa rehistrado sa RSBSA. 

 

Maaaring ipagpalit sa pataba ang discount voucher sa mga akreditadong fertilizer merchant tulad ng Emo Agri Sales and Marketing, Inc. na matatagpuan sa naturang bayan. 

SOURCE: Trixie Joy B. Manalili (PIA3)