LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Aagapay ang Department of Agriculture o DA sa mga kabataang Bulakenyong magsasaka, na maialok at maitinda ang kani-kanilang mga likhang produktong agrikultural sa mas malalaking merkado.
Iyan ang tiniyak ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista sa ginanap na diyalogo sa may 10 kabataang Bulakenyong magsasaka, na inisyal na benepisyaryo ng Youth Farmers Challenge (YFC) program na ginanap sa lungsod ng Malolos, Bulacan.
Isa itong pangunahing programa ng tanggapan ni Senador Imee Romualdez Marcos upang isulong na maraming kabataan ang mahikayat na subukan ang industriya ng pagsasaka bilang isang propesyon at hanapbuhay.
May halagang P550 libo ang naipagkaloob sa kanila ng tanggapan ng senadora upang makapagsimula noong mga taong 2021 at 2022. Makalipas ng halos dalawang taon, higit pa sa doble ang kinita ng nasabing 10 mga kabataan sa ilalim ng YFC.
Pinakamalaking kinita si Norhaya Demacaling ng Angat. Ang puhunang P50 libo mula sa YFC ay napalago niya sa halagang P1 milyon dahil sa matagumpay na produksiyon at marketing strategy sa kanyang mga tanim na High Value Commercial Crops, pagpaparami ng mga Baboy at Manok at paggawa ng sariling pataba at binhi.
Si Gerome Santiago ng Plaridel ay piniling magkaroon ng negosyo na may kinalaman sa pagbo-Bonsai mula sa seedling, production at edible landscaping. Napalago niya ang P50 libong panimulang puhunan mula sa YFC sa P180 libo na kita.
Lumago naman sa P420 libo ang kinita ni Angeline Fraginal ng San Jose Del Monte City mula sa P100 libong puhunan na ipinagkaloob ng YFC. Ginamit ito upang makagawa at makapagtinda ng mga Honey, Atsara, Mushroom variety, Chicharon, Tocino, Tapa at Fruit Bag.
Sa Gawad Kalinga Enhanted Farm sa bayan ng Angat, natulungan ng puhunang P100 libo ang mga kabataang magsasakang sina Robert John Castor, Kenn Johnson Pedral at si Maria Cristina Calvadores. Sila ay natutong magproseso ng Seche Tomato mula sa mga tanim na Kamatis at Feta Cheese kung saan kumita ng P107.4 libo.
Matagumpay ding nakapagparami ng mga Koneho, Kambing, Baboy, Manok at mga Itlog si Mark Jay Silverio ng Angat na kumita ng P70 libo mula sa P50 libong puhunan.
Pinayuhan naman ni Senador Marcos si Silverio na mas tutukan ang pagpaparami ng Kambing dahil mataas ang demand at orders ng mga restaurants na naghahain ng potaheng Kaldereta.
Nadoble ni Christian De Jesus ng Pulilan ang P50 libong ibinigay ng YFC sa P110 libo na kita dahil sa matagumpay na pagpaparami ng Fresh Oyster Mushroom.
Malaki naman ang naging bentahe ng Kangkong Chips at Noodles na gawa ni Rieca Bustamante ng Bocaue kung saan napalago niya sa P98 libo ang P50 libong puhunan na ibinigay ng YFC.
Habang nagsisimula nang makilala si John Paul Donayre ng Plaridel sa paggawa ng Tahong Gourmet at Bangus Sardines na nakatamo ng P50 libong puhunan. Gayundin si Robert Ramos ng Calumpit na tatlong beses nang kumikita ng P20 libo dahil sa malakas na produksiyon ng iba’t ibang uri ng Hipon.
Kaugnay nito, inatasan ni Senador Marcos ang DA na bukod sa paglalatag ng matibay na market linkages para sa mga kabataang magsasaka na benepisyaryo ng YFC, na kailangan ding makakapagsuplay ang mga ito sa mga itinalagang Kadiwa Centers.