Curfew sa Malolos pinaigting

Curfew sa Malolos pinaigting
Ibalik ang respeto sa magulang-Mayor Christian Natividad
PINAIGTING ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang kanilang City Ordinance No. 07-2004 o mahigpit na pagpapatupad ng curfew partikular na sa mga kabataan kasunod ng pagpaslang sa isang person with disability noong araw mismo ng Bagong Taon kung saan nasasangkot ay mga menor de edad.
 
Magugunita na ang biktima na Christopher Velasco, 32, single, residente ng 274 Don Antonio St., Brgy. San Gabriel, City of Malolos, Bulacan ay napagtripan ng grupo ng kabataan noong araw mismo ng Bagong Taon kung saan ito ay pinagsasaksak hanggang sa mapatay.
 
Ang walong suspek kabilang ang lider nito na si Joshua Paul Magsakay, 18 ay agad na naaresto sa follow up manhunt operation ng Malolos PNP na kinabibilangan ng limang menor de edad matapos magbigay ng P200,000 cash reward si Mayor Christian Natividad.
 
Sa nasabing krimen ay ipinatawag ni Natividad ang lahat ng gang group sa nasabing lungsod kasama ang mga magulang ng mga kasaping kabataan upang paalalahanan at bigyan babala ang mga ito.
 
 
Ang mga ipinatawag na mga kabataan ay sumasali o bumabarkada sa mga “gangsta style” na ayon sa mga report ay may mga miyembro na nasasangkot sa mga krimen tulad ng droga, pagnanakaw, saksakan, patayan, batuhan, riot at panggugulo sa mga paaralan, lansangan at simbahan.
 
Nais ng alkalde na maibalik ang magandang relasyon sa pamilya ng mga kabataan at hindi mapariwara at malulong sa masasamang bisyo.
 
“Gusto ko ipaalala sa mga batang ito at lalo na sa mga magulang na ang batas pa rin ang mangingibabaw at walang puwang sa Lungsod ng Malolos ang ano mang uri ng krimen kung saan ang mga napapabayaang mga menor de edad ang nasasangkot,” wika ni Natividad.
 
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga magulang na nagpapabaya sa kanilang mga anak na maaari rin silang managot sa krimen kasasangkutan ng kanilang mga anak.
 
Ayon kay Natividad nakahanda siyang tulungan ang mga kabataan at bibigyan ng pagkakataon na maisaayos ang pamumuhay sa pamamagitan ng scholarship at livelihood program.
 
Sa direktiba ni Natividad, pinapaalalahanan ang lahat ng Punong Barangay ang mahigpit na pagpapatupad ng City Ordinance No. 07-2004 na nagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad.
 
Ayon sa sulat, “Mariin pong hinihiling na higpitan ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa sanhi ng sunod sunod na insidente ng krimen at kaguluhang kinasasangkutan ng mga batang menor de edad na nagkalat sa lansangan sa mga alanganing oras ng gabi.”
 
Nakasaad sa nasabing ordinansa na ipinagbabawal ang paglabas ng mga menor de edad, 18 gulang pababa mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga at nagtatakda din ng karampatang multa at parusa sa mga mahuhuli nito gayundin sa kanilang mga magulang.
 
Nabatid na nasa 60 leaders ng mga gang ang ipinatawag kasama ang mga magulang mula sa 22 grupo na mayroon nang kasapi hanggang 1,500.
 
Di naman kami against sa gang at di naman lahat ay masasama, gusto lang naman natin ipaalala sa kanila kung ano ang tama at mali para hindi sila maligaw ng landas
 
Kabilang sa mga youth group gang ay ang Go Smoke Merry (GSM)  na naka-base sa  Brgy. Mabolo na isa sa pinakamalawak at malaking grupo na mayroong umbrella group na Bardagulan at OG Hood – Mojon Based
at 2Pacs- Catmon based; Mafia (MFA) – Northville 8 based; Solid BARAKUDA Fam (SBF) – Atlag Based; Smoke Gang – Sabitan, Sto Rosario based;  4 Joints, 3 Joints, 2 Joints at 1 Joint mula sa Brgy Bangkal; TroPamilya – Bangkal; 2 RK Zordek – Caniogan; Trippings- Tuklas based; TNF – Planta, Stma. Trinidad Based; BTG- Bangkal based; 4K – Atlag/Balayong; Tres BaraKuda – Bangkal; Malolos Bad Child (MBS) – Malolos Bayan; El Jubis- Paombong;  14K – Sto. Niño, Plaridel; 
Malolos $hits$$ -Group Chat o GC ng lahat Grupo ng gang na yan sa Malolos kung saan ay talamak na pinag uusapan ang droga at transaksyon dito. 
 
“Bantayan po natin ang ating mga anak dahil the mere fact na ang mga iyan ay nasa labas ay maaakay sila sa masamang impluwensiya,” anang alkalde.
 
Bahagi rin ng kampanya kontra sa mga nasabing gang ay isa-isang pupuntahan sa kanilang tirahan ang mga miyembro ng mga grupo na ito para imbestigahan at kausapin ang mga magulang ng batang kasali sa mga grupo na ito. 
 
Ang iba pang mga grupo ay kasalukuyan pinag hahahanap ng Malolos PNP, DSWD at City Legal Office para imbestigahan. 
 
“Kalingain at gabayan po nating mabuti ang ating mga anak para maka iwas po tayo sa pagka sira ng kanilang kinabukasan,” ani Natividad.