Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa bansa sa pangkalahatang pagsasagawa ng Community-Based Immunization Program ng Department of Health para sa mga kabataan laban sa banta ng vaccine preventable diseases gaya ng Measles, Rubella, Tetanus at Diphtheria (MR-TD) na inilunsad ngayong araw hanggang Disyembre 2021.
Bahagi ng layunin ng National Immunization Program na palawakin ang vaccination coverage sa mga target na populasyon, pagpapatupad ng community-based immunization na magbibigay ng libre, ligtas at mabisang bakuna sa mga bata mula 6-7 at 12-13 taong gulang upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na may kinalaman sa MR-TD gayundin ang pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan sa pagtulong at pagsasagawa ng pagbabakuna sa bawat komunidad.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga magulang at mga tagapag-alaga na hayaan ang kanilang mga anak na mabakunahan lalo na at ang lalawigan ay kasalukuyang lumalaban sa COVID-19 virus. Aniya, posible umanong magkaroon ng outbreak na mararanasan ng lalawigan kung hindi sila mababakunahan.
“Ayon po sa mga pag-aaral ng mga epidemiologist, sa darating na taong 2022 o 2023 ay posibleng magkakaroon ng measles outbreak sa ating bansa dahil nangyayari itong tuwing tatlong taon; ang huling measles outbreak po ng bansa ay taong 2019. Mga kababayan ko, huwag po nating hayaan na mangyari ito na magkarooon ng panibagong outbreak sa ating lalawigan. Hinihikayat ko po ang mga tagapag-alaga at mga magulang na pabakunahan po ninyo ang inyong mga anak,” anang gobernador.
Bukod pa dito, sinabi rin ni Fernando na patuloy ang pagbibigay ng routine immunization sa mga sanggol hanggang sila ay umabot ng 24 buwan gulang.
Naglabas rin ng Department Memorandum No. 2021-0383 ang Department of Health o ang ‘Guidelines in the Conduct of 2021 Community-Based Rubella—Tetanus Diphtheria Immunization during COVID-19 Pandemic’ upang gabayan ang mga pamahalang lokal at mga health worker na maipatupad nang maayos ang immunization services kasabay ang kasalukuyang pagbabakuna para sa COVID-19.