ITINALAGA bilang Officer-In-Charge (OIC) ng Bulacan Police Provincial Office (Bul PPO) si PCol. Relly Arnedo sa ginanap na ceremonial turnover rites sa Bulacan Provincial Headquarters sa Camp General Alejo S. Santos, City of Malolos, Bulacan nitong Miyerkules, Setyembre 7, 2022.
Pinangunahan ni Police Regional Office 3 (PRO3) regional director BGen Cesar Pasiwen ang pagsasalin puwersa kay Arnedo na siyang humalili kay Col. Charlie Cabradilla.
Ayon kay Pasiwen, lumabas ang order ni Arnedo Setyembre 5, 2022 at nito lamang Miyerkules isinagawa ang pormal na turnover.
Bago naitalagang Bulacan PPO OIC ay galing si Arnedo sa Police Regional Office 1 (PRO1) bilang hepe ng Regional Investigation Detection and Management Division (RIDMD).
Bilang bagong Officer-In-Charge ng Bulacan PNP, nangako si Arnedo na gagampanan niya ang kaniyang bagong tungkulin at responsibilidad ng buong dedikasyon at damdamin.
“Patuloy tayong magsisikap ng walang humpay na maisakatuparan ang pinaigting na kampanya laban sa ano mang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan,” ayon kay Arnedo.
Mahigpit nitong ipatutupad ang “internal cleansing” at hindi niya umano kukunsintihin ang mga tinaguriang “bad apples” sa hanay ng kanilang organisasyon.
“I would take a stern stance in anti-crime initiatives while strengthening my support to PGen Rodolfo Azurin’s peace and security framework entitled “MKK=K” Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan at Kaunlaran which is supplemented by “KASIMBAYANAN (Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan) Program”, Arnedo ended.