Chinese New Year activities sa Maynila, kinansela ni Mayor Isko

Sentro Punto
Wala na munang masasaksihang dragon at lion dance sa bisperas maging sa araw ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa China Town, maging sa Binindo, Manila upang maiwasan ang paghahawahan na posibleng idulot ng Covid 19 Omicron variant.
 
Si Mayor Isko Moreno, ng Maynila ang mismong nagbawal sa anomang aktibidad kaugnay ng Bagong Taon ng mga Tsino sa Pebrero 1, 2022. 
Matatandaang una nang kinansela ni Mayor Isko, sa pamamagitan ng executive order ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng pista ng Poong Itim na Nazareno at ng Sto. Niño upang maiwasan ang posibleng hawahan ng coronavirus. 
 
Ang tradisyunal na dragon at lion dance ay karaniwang ginagawa sa China Town tuwing bisperas ng Chinese New Year kasabay ng pagpapailaw ng pyrotechnics at pagpapaputok ng firecrackers.  Sa kaarawan naman ng Bagong taon ay lumilibot ang mga Filipino-Chinese sa lugar upang mamili ng tikoy, moon cake at mga bagay na pampaswerte ayon sa paniniwala ng mga Intsik.
 
Noong ako ay namamasukan pa bilang editor ng arawang Text Tonight, kapag sumasapit ang Chinese New year ang pinapasyalan namin ang lugar ng mga kaibigan naming Filipino-Chinese sa China Town. Sa kanilang mga bahay ay hinahainan kami ng masasarap na Chinese food at sa aming pag-uwi ay pinababaunan pa kami ng tikoy.
 
Bukod doon, may mga regalong tikoy din na ipinapadala sa aming opisina kaya nakakapag-uwi pa ako ng kahon-kahong tikoy sa aming bahay na pinamamahagi ko rin sa aking mga kaanak.
 
Para sa mga Filipino-Chinese na naninirahan sa Maynila, ay hindi masaya ang magselebra ng kanilang bagong taon kung sila ay nasa kani-kanilang mga bahay lamang. Iba ang kasayahan kapag ang selebrasyon ay sa labas ng bahay o sa kalsada ginagawa.
 
Pero sadyang hindi pa panahon para magdiwang sa lansangan dahil nariyan pa rin ang banta ng Covid 19 lalo na ang Omicron variant na siyang lumalaganap saanmang dako ng bansa. Baka ang pagdiriwang sa labas ay maging superspreader ng Omicron kaya tama ang pasya ni Mayor Isko na kanselahin ang mga aktibidad sa china Town, kaugnay ng Chinese New Year.