NUEVA ECIJA — Bilang pagsuporta para sa peace education, pormal na isinagawa ang inagurasyon ng mga peace marker sa Central Luzon State University (CLSU), ang kauna-unahang itinatag sa isang unibersidad sa lalawigan ng Nueva Ecija nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 15, 2022.
Nakaukit sa mga marker ang mga logo ng CLSU, Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL) – Philippines, at Volunteer Individuals for Peace (VIP), isang non-government organization na itinatag ni Dr. Ronald L. Adamat, Commissioner ng Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kay Dr. Danilo S. Vargas, Vice President for Administration, ang mga marker ng kapayapaan ay simbolo ng dedikasyon ng CLSU sa pagtataguyod ng peace education. “Sa pamamagitan ng pag-iinsulta sa mga marker na ito, ang CLSU ay mabibigyang-inspirasyon na higit pang palakasin ang dedikasyon nito sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa mga komunidad at sa mundo,” aniya sa kanyang talumpati.
Unang ipinahayag ni Dr. Adamat na magtatatag siya ng mga peace monument sa mga state universities and colleges (SUCs) sa ilalim ng kanyang pangangasiwa bilang CHED Commissioner, noong Unveiling Ceremony of the Peace Monument sa Siniloan Integrated National School na ginanap noong Pebrero. Siya rin ang may akda ng memorandum order ng CHED na inaatasan ang mga SUCs upang ituro ang peace education sa lalong mataas na edukasyon, bunga ng pakikipagtulungan na nilagdaan ng CHED at HWPL noong 2018.
Ang Peace Education ay isa sa mga pangunahing inisyatibo ng HWPL. Ang HWPL ay nagsasagawa ng Peace Education training para sa mga kaguruan mula sa mga katuwang na paaralan at mga boluntaryong guro upang linangin ang mga mag-aaral at kabataan bilang mga tagapamayapa. Sa ngayon, 2,551 na kaguruan na mula sa 557 institusyong pang-edukasyon sa Pilipinas ang nakatanggap ng pagsasanay na magturo ng peace education sa tinatayang 23,000 na mag-aaral.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Dr. Adamat ang kanyang planong magtatag ng mga Peace Club sa mga SUC simula sa CLSU upang ikintal ang ‘kultura ng kapayapaan sa puso ng mga mag-aaral’ at hubugin sila upang makapag-ambag sa lipunan hanggang sa kanilang paglabas sa unibersidad. Plano rin niyang magdaos ng isang music festival sa unibersidad para hikayatin ang aktibong pakikibahagi ng mga kabataan sa pagpapalaganap ng kapayapaan.