Para tugunan ang lumalalang krisis sa kalusugan ng mga bata sa bansa, naghain si Senador Alan Peter Cayetano ng panukalang batas nitong Huwebes na layong pigilan at tuluyang matugunan ang child stunting p pagkabansot sa Pilipinas.
Inihain nitong July 10, 2025, ang Anti-Stunting Action Plan (ASAP) Council Act of 2025 ay naglalayong bumuo ng isang high-level council na mangunguna sa pagsasagawa at pagpapatupad ng isang komprehensibo at koordinadong plano upang mabawasan at mapigilan ang stunting sa mga bata sa buong bansa.

“Apart from lifelong impacts such as weakened immune systems, reduced brain development, lower academic performance, poor self-esteem, and delayed social development, a high prevalence of stunted children erodes the human potential, productivity and economic growth of countries. Therefore, this national emergency must be addressed ASAP,” wika ni Cayetano.
Ayon sa senador, ang panukala ay hango sa mga napatunayang epektibong modelo gaya ng award-winning Early Childhood Care and Development (ECCD) programs ng Lungsod ng Taguig at ang matataas na marka ng Singapore sa global Programme for International Student Assessment (PISA) tests — na ayon sa mga pag-aaral ay bunga ng matibay na pundasyon sa early childhood care.
Ang stunting o pagkabansot ay tumutukoy sa pagkaantala ng paglaki at pag-unlad ng bata bunsod ng kakulangan sa nutrisyon, paulit-ulit na impeksyon, at kakulangan sa psychosocial stimulation. Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), isa sa bawat apat na batang Pilipino na may edad limang taon pababa ay stunted — mas mataas kaysa sa global average at bahagyang mas mababa lamang sa ASEAN average. Sa ilalim ng panukala, itatatag ang ASAP Council bilang pangunahing ahensyang tututok sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng pambansang roadmap kontra stunting. Ilalagay ito sa ilalim ng Office of the President, pamumunuan ng Kalihim ng Department of Health (DOH), at sasamahan ng Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang co-chairperson. Kabilang sa mga miyembro ng Council ang mga pinuno ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Science and Technology (DOST), National Economic and Development Authority (NEDA), Early Childhood Care and Development (ECCD) Council, at Council for the Welfare of Children, pati na rin ang dalawang kinatawan mula sa NGOs na may kaalaman sa maternal at child care at nutrisyon. Inaatasan ang Council na pag-isahin ang lahat ng kasalukuyang anti-stunting programs, magmungkahi ng mga pagbabago sa polisiya at implementasyon, at pamunuan ang konsultasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno upang matutukan ang isyu sa mas komprehensibo at pangmatagalang paraan. Ipinag-uutos din ng panukala ang pagbuo ng centralized database kaugnay ng stunting, na pamamahalaan ng DOST-FNRI katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA). Regular ding susuriin at e-evaluate ng Council ang mga pangunahing programa gaya ng First 1,000 Days initiative ng DOH, feeding at 4Ps program ng DSWD, at school-based feeding program ng DepEd. Magrerekomenda rin ito ng minimum standards at pondo para sa pagpapahusay ng mga naturang programa. “This measure envisions a future where all Filipino children have equal opportunities to grow, learn, and thrive,” wika ni Cayetano. Una nang iginiit ni Cayetano ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa stunting sa isinagawang deliberasyon ng 2025 budget ng DSWD.