Inilatag na ni Senador Alan Peter Cayetano ang ikalawang hanay ng kanyang mga panukalang batas para sa 20th Congress na layuning pagandahin ang tugon ng gobyerno sa edukasyon, kabuhayan, kalusugan, palakasan, at travel.

Kabilang din ang isang resolusyon na humihiling na ilagay si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang uri ng house arrest sa The Hague, Netherlands. Inihain nitong July 10, 2025, ang nasabing hanay ay binubuo ng sampung panukala: apat na bagong panukala bilang tugon sa mga umuusbong na hamon sa bansa, at anim na muling inihaing mga panukala na matagal nang isinusulong ni Cayetano upang tugunan ang mga matagal nang suliranin.
Kabilang sa listahan ng senador ang resolusyong may pamagat na Resolution Expressing The Sense of the Senate to Urge the Philippines to Advocate Before the International Criminal Court (ICC) for the Interim Release of Former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), Including Inter Alia Entering Into an Arrangement with the ICC to Receive Custody of FPRRD in a Form of House Arrest or Any Other Appropriate Arrangement In the Premises of the Philippine Embassy in The Hague, Netherlands. Isinusulong nito ang paghihimok sa pamahalaan ng Pilipinas na ipanawagan sa ICC ang pansamantalang pagpapalaya sa dating Pangulong Duterte, upang milagay siya sa isang uri ng house arrest habang hinihintay ang kanyang paglilitis.
Ayon sa senador, batay sa international law at batas ng Pilipinas, si Duterte ay dapat bigyan ng “right to be presumed innocent until proven guilty.”
“To grant this for the former President would be beneficial to his health, all while presenting no risk to the integrity of the ongoing trial,” sulat ng senador sa resolusyon.
Isa sa mga mungkahi ng resolusyon ay ang makipag-ugnayan sa ICC upang ilipat si Duterte sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands at doon siya ilagay sa ilalim ng isang uri ng house arrest, modified house arrest, o anumang kaayusang angkop ayon sa desisyon ng korte.
Nanawagan din ito ng habag at kagyat na aksyon, at nagsasaad na ang pagbibigay kay Duterte ng pagkakataong makasama ang pamilya at mga kaibigan sa kanyang mga huling taon ay isang simpleng anyo ng dangal – at ang pagkakakait dito ay isang uri ng kawalan ng katarungan.
“Marapat lamang na kumilos ang ating gobyerno sa lalong madaling panahon habang hindi pa huli ang lahat dahil ‘ika nga: nasa huli ang pagsisisi,” dagdag pa ng panukala.
Pagsulong ng pagbabago sa iba’t ibang sektor Isa sa mga pinakabagong panukalang batas ni Cayetano ang The Learners’ Choice (TLC) in Private Basic Education Act of 2025.
Layunin nitong pahintulutan ang mga estudyante na pumili ng paaralan, at matulungan ang mga pamilyang kapos pero nais mag-aral sa pribadong eskwelahan.
Nakapaloob dito ang pagbibigay ng portable education vouchers para makatulong sa bayarin sa mga pribadong paaralan na kinikilala ng Department of Education.
Maaaring suportahan din ito ng lokal na pamahalaan o pribadong sektor. Bilang matagal nang tagasuporta ng sports, naghain din siya ng panukala para lumikha ng Department of Sports na tututok sa mas maayos na pamamahala, pag-unlad ng mga atleta, at suporta sa palakasan sa mga komunidad.
Upang mapagaan ang gastos sa biyahe, iminungkahi niya ang Abolishing Travel Taxes para sa mga Pilipino at mga mamamayan ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) na bumibisita sa kapwa member state.
Layunin nitong palakasin ang turismo at ugnayan sa rehiyon. Muling isinulong ng senador ang Anti-Stunting Action Plan (ASAP) Council Act of 2025, na layong gumawa ng pambansang plano para labanan at maiwasan ang pagka-stunted ng kabataang Pilipino. Isinampa rin muli ng senador ang Super Health Centers in All Cities and Municipalities Act, at ang Health Centers in All Barangays Act, para matiyak na may maayos na serbisyong pangkalusugan sa bawat barangay, lungsod, at bayan sa buong bansa.
Para sa mga mangingisda, itinulak din ni Cayetano ang Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR) Act, isang panukalang matagal na niyang sinusuportahan mula pa noong 2017.
Para naman sa mga kasambahay, isinusulong niya ang Enhanced Batas Kasambahay Act na layong ayusin ang sahod, edukasyon, at benepisyo sa ilalim ng kasalukuyang batas. Ibinalik din ni Cayetano ang Mahal ko, Barangay Health Worker Ko Law, na ipinasa niya na mula pa noong 18th Congress.
Layunin nitong gawing pormal ang pagkuha at pagbibigay ng tamang sahod sa mga Barangay Health Workers (BHWs) ng mga lokal na pamahalaan bilang bahagi ng pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Sa mga panukalang ito, muling pinatutunayan ni Cayetano ang kanyang paninindigan na “honor God, build communities, and transform the nation”