
BULACAN- Muling namahagi ng tulong pinansyal si Malolos City Mayor Christian Natividad sa 3rd batch ng mga pamilya ng bawat Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng giyera sa Middle East na hindi makauwi at makapagpadala ng remittance.
Pinangunahan ni Mayor Natividad ang pamamahagi ng P10,000 financial assistance sa 119 na benepisyaryo na mayroong kaanak na nasa Middle East na apektado ng giyera at hanggang ngayon ay stranded at hindi pa nakakauwi at nakakapagpadala ng pera sa kanilang pamilya.
Ayon kay Natividad, ang mga nasabing pamilya ay immediate family ng mga Malolenyong OFW na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakauwi ng bansa dulot ng patuloy na hidwaan sa pagitan ng magka-alyadong bansa ng Amerika at Israel laban sa Iran.
Nabatid pa na patuloy ang isinasagawang koordinasyon at pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at ng Department of Foreign Affairs upang mabigyan ng agarang aksyon at tulong ang mga kababayang Filipino na naiipit sa hidwaan.
Ayon pa sa alkalde, patuloy ang isinasagawang evaluation sa daan-daan pang pamilya ng mga OFW sa kanilang itinatag na ‘Special Help Desk’ para sa mga OFW apektado ng giyera sa Middle East.
“Bukod sa regular na OFW help desk ay nagdedicate pa tayo ng ‘Special Help Desk’ para dun sa mga kababayan natin na OFW na apektado ng confict sa disputes or skirmishes sa Middle East at una na tayong nakapagbigay ng tulong sa inisyal na 36 pamilya,” Natividad.
Nabatid na ang Lungsod ng Malolos pa lamang ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa sa buong bansa ang nakapagbigay ng tulong pinansyal na gaya nito para sa mga OFW families apektado ng giyera.
Bukod sa cash assistance ay magkakaloob din Lungsod ng Malolos ng tulong sa mga OFW doon na nais makauwi ngunit hindi mapabilang sa repatriation ng pamahalaang nasyunal ay gagawa sila ng paraan upang sila ay makauwi at makapiling ang kanilang mga pamilya.
“Kung mahihirapan ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang nasyunal na mapasama sila sa listahan ng repatriation activity ay tutugon din po tayo, willing po ang City Government ng Malolos na sagutin ang pamasahe nila pauwi,” wika ni Natividad.
Nabatid pa na sakaling matapos ang giyera ay nakahanda ang City Government ng Malolos na bigyan ng pamasahe ang mga OFW na nais makabalik sa pinirmahan nilang kontrata sa ibang bansa.
Sakaling tumagal pa ang kaguluhan sa Middle East ay nakahanda pa rin ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa bawat Malolenyong apektado kung saan giit ni Natividad; “Ang logic ng governance natin ay ang gobyerno ang mag-a-adjust sa tao at sa sitwasyon gaya nito, tayong nasa gobyerno ang mag-adjust sa pangangailangan nila na hanggat kailangan nila ng tulong ay tutulungan natin sila”.
Samantala, nakatada na rin i-release ng City Governmnt ng Malolos ang financial aid para sa mga drivers at operators sa Lungsod ng Malolos na manggagaling sa lokal na pamahalaan ang pondo.





