TUTUTUKAN ng lokal na pamahalaan ng San Ildefonso, Bulacan ang pag-aruga sa mga mahihirap partikular na sa mga mayroong malalang sakit gaya ng cancer kung saan tatanggap ng halagang P10,000 cash assistance ang pasyente kada chemo therapy session nito.
Ito ang pangako ni mayor-elect Fernando “Gazo” Galvez Jr. sa kaniyang pag-upo bilang punong-bayan ng San Ildefonso simula sa Hulyo 1.
Sa panayam kay Galvez, sinabi nito na magiging prayoridad ng kaniyang termino ang pag-aruga sa mga mahihirap lalo na sa mga maysakit na kapos sa pagpapagamot para sa kanilang mga medical treatment gaya ng mga chemo therapy, radio therapy at dialysis.
Aniya, sa kaniyang administrasyon ay makatatanggap ng P10,000 kada chemo session ang mga cancer patient dahil naniniwala siya na ito ang pangangailangan ng maraming cancer patient.
Maging ang mga sumasailalim sa dialysis ay makatatanggap din ng financial assistance tuwing 15 days upang ma-sustain ang kanilang habambuhay na gamutan.
Prayoridad din ni Mayor Gazo ang mga pulubi sa lansangan ang mga balo o solo parent na mabigyan ng sapat na atensyon ng pamahalaan para makaraos sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Tiniyak ni Galvez na pagkaraan ng 10 taon ay magiging kaunti nalamang ang mahihirap dahil sisiguraduhin nito na ang bawat mag-aaral ay makatatanggap ng dobleng educational assistance o financial aid para makapagtapos ng pag-aaral at maging propesyunal.
Si Mayor Gazo ay ika-5 nang Galvez na naging alkalde sa nasabing bayan kung saan unang nanungkulan ang amain nito na si dating Mayor Honorato Galvez noong dekada 90′, sumunod sa kaniya ay ang kapatid na si Mayor Sazo Galvez taong 2001-2010.
Ang mga pamangkin naman na sina Mayor Carla Galvez ang naupo taong 2010 at si Mayor Gerald Galvez nang taong 2013 at nakabalik muli si Mayor Carla ng 2016 hanggang kasalukuyan.
Nitong nakaraang 2022 election ay tinalo ni Gazo ang pinsan na si Mayor Carla ng 264 na kalamangang boto.
“Ang pagkakaiba ko sa apat na Galvez na naging alkalde ay mas mahal ko ang taumbayan at hatid ko ang paglilingkod na naaayon sa kagustuhan ng Diyos,” pagtatapos ni Galvez.