Campaign tarpaulins ginawang eco-friendly bags sa Baliwag

Upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran at mabawasan ang paggamit ng mga plastic ay patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag sa paglunsad ng mga  makakalikasang programa.
 
Sa katatapos lamang na 2025 Elections, iniutos agad ni Mayor Ferdie Estrella ang pagbaklas ng mga post-campaign materials sa lansangan o sa mga pampublikong lugar tulad ng mga tarpaulins.
 
 
Ngunit ang mga binaklas na mga tarpaulin ay hindi ibinasura o itinapon kundi ito ay ni-recycle at ginawang kapaki-pakinabang tulad ng makukulay at matitibay na eco-friendly bags.
 
Ito ay isang magandang hakbang na ipinatupad sa pangunguna ni Mayor Ferdie Estrella katuwang si Mayor-elect Sonia Estrella upang mapanatiling maayos at malinis ang kapaligiran.
 
Ayon kay Mayor Estrella, ang mga tarpaulins na ito ay muling magagamit bilang eco-bag at makakatulong sa pagbabawas ng kalat.
 
“Hindi lang ito magandang solusyon sa kalikasan, kundi isang hakbang para sa mas sustainable na pamumuhay,” wika ng alkalde, na siya namang wagi bilang vice mayor sa nagdaang eleksyon.
 
Samantala, ang mga tarpaulin na hindi na magagamit ay dadalhin sa Central MRF upang iproseso at ikompress gamit ang bailing machine bago ipadala sa mga recycling facilities.