
Gustong paimbestigahan no Senador Alan Peter Cayetano sa Senado ang nasirang tulay sa Cabagan-Sta Maria sa Isabela sa isang pagdinig sa Biyernes, March 14, 2025.
Ito ang hiling ng senador sa paghain niya ng Senate Resolution No. 1322 na nananawagan sa Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations — o mas kilala bilang Blue Ribbon Committee — na tingnan ang sanhi ng pagbigay ng tulay gayong kabubukas lamang nito noong February.
Nitong March 11, itinalaga ni Blue Ribbon Committee chair Senador Pia Cayetano si Senador Alan bilang Subcommittee chair upang pangunahan ang motu propio inquiry. Pero bago pa man ito, nauna nang binanggit ni Cayetano nitong March 9 na masusi nitong minomonitor ang insidente.
“I really think it’s a terrible thing [to happen]. I think it should really not happen, dapat up in arms ang DPWH at dapat nandyan na lahat… hindi lang accountability pero pati y’ung pangako na hindi dapat mangyayari ito,” wika niya.
“Safe and resilient infrastructure is essential to the transformation of the nation… The Blue Ribbon needs to look into how the Department of Public Works and Highways deals with errant contractors to ensure that the country and the people are protected against fraudulent and abusive contractors,” sulat ni Senador Alan sa resolusyon.
Isa ang DPWH sa mga ahensya na may pinakamalaking budget sa bansa. Dahil dito, maaari ding suriin sa pagdinig ang iba pang proyekto ng DPWH upang tugunan ang umano’y sistematikong katiwalian sa loob ng ahensya.
“Parang every now and then, every year, two years, may projects na kung hindi man major ay gumuguho and I don’t hear announcements na may binan na or blacklisted or kinulong na contractor o kung sino man ang nagkamali,” wika ni Cayetano.
Bumigay ang Cabagan-Sta Maria Bridge noong February 27 nang magtangkang tumawid ang isang dump truck na may dalang mabibigat na bato. Lagpas ang dala nito sa 45-toneladang weight limit ng tulay.
Di bababa sa anim na tao ang nasugatan at apat na sasakyan ang nasira dahil sa insidente. Nitong February 1, 2025 lamang natapos ang konstruksyon ng tulay sa halagang P1.22 bilyon.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente. Bukod sa overloading, iniimbestigahan pa din kung ano ang mga sanhi ng pagkasira ng tulay, kabilang ang depektibong disenyo at konstruksyon.
Ayon kay Cayetano, dapat tugunan ito ng gobyerno bilang bahagi ng pagsisikap na labanan ang katiwalian.
Aniya, hindi dapat pabayaang makakuha ng mga proyekto ang mga private contractors na nagbibigay ng “substandard, defective, or deficient projects, or services.”
Dagdag niya, isinisiwalat ng insidente ang “serious questions about the competence of the DPWH and private contractors, and directly erodes the trust reposed by the public in the agency and the government in general.”
Tungkulin ng Senate Blue Ribbon Committee ang pag-iimbestiga sa mga umano’y maling gawain ng gobyerno. Dapat din itong magmungkahi ng mga bagong batas o pag-amyenda para maiwasan ang mga katiwaliang ito.
Tatalakayin nito ang usapin sa Biyernes, March 14, 2025. Manatiling nakatutok para sa mga update sa isyung ito.