LUNGSOD NG MALOLOS – Dumagsa ang mga Bulakenyong mamimili sa KADIWA Retail Selling na aktibidad ng Department of Agriculture-Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Regional Field Office-Cordillera Administrative Region na ginanap kamakailan sa harap ng Bulacan Capitol Gymnasium dito kung saan inilako ang mga highland vegetable ng ilang magsasaka mula Mankayan, Benguet.
Sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro at sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office, nakapagbenta ang DA-CAR sa daan-daang Bulakenyo ng may 2,500 kilo ng iba’t ibang sariwang mga gulay na may kabuuang halaga na mahigit P40,000 na kita sa loob lamang ng kalahating araw.
Iba’t ibang uri ng mga ani kabilang ang Chinese cabbage, sayote, repolyo, broccoli, Baguio beans, bell pepper, carrots, cauliflower, at pipino ang naibenta sa abot-kayang presyo na P10 hanggang P70 kada kilo.
Samantala, sinabi ni Fernando na ang Bulacan ay kaisa ng pamahalaang nasyonal sa pagpapatupad ng mga istratehiya na tutulong sa pagkamit ng kaseguruhan sa pagkain, gayundin sa pagbibigay ng ayuda sa mga producer ng pagkain upang maipagpatuloy ang produksyon ng abot-kayang produkto.
Layon ng KADIWA Retail Selling na mabenepisyuhan ang mga mamimili sa Bulacan at suportahan ang mga magsasaka ng Cordillera na nakararanas ng patuloy ng paglobo ng inaaning gulay partikular na ang mga repolyo at Chinese cabbage sa mga pangunahing local trading posts sa Benguet at pagkaunti ng pagbili ng mga trader na nagdudulot ng mataas na bilang ng mga hindi nabibili at bagsak presyong mga gulay.