Bulakenyo workforce, prayoridad sa mga bagong investment project sa lalawigan

Pagtitiyak sa pagbibigay ng trabaho sa mga Bulakenyo ang naging sentro ng talakayan sa lalawigan patungkol sa dalawang bagong investment project sa Bulacan. (Bulacan PPAO)

LUNGSOD NG MALOLOS — Prayoridad ng pamahalaang panlalawigan at mga mamumuhunan ang pagbibigay ng trabaho sa mga Bulakenyo para sa mga darating na malalaking proyekto.

 

Ito ang naging sentro ng ginawang talakayan kamakailan kung saan inilahad ang mga parating na proyektong Northwin Global City at Crossroads ng Megaworld at Ayala Land Estates.

 

Ayon kay John Marcial Estacio, Estate Head ng Ayala Land Estates, Inc., uunahin ang paghire ng trabahador na manggagaling sa Bulacan, partikular sa mga karatig bayan na pagtatayuan ng Ayala Land Crossroads sa Plaridel.

 

Nasa 40 porsyento ng workforce sa mga nabanggit ng proyekto ay manggagaling sa lalawigan.

 

Para kay Bise Gobernador Alexis Castro, tinitingnan nila ni Gobernador Daniel Fernando kung paano higit na mabebenepisyuhan ng mga nasabing proyekto ang kapakanan ng bawat Bulakenyo partikular sa hanapbuhay.

 

Ito anya ang magandang tiyempo sa pag-invest sa Bulacan dahil sa paparating na airport project.

 

Ibinahagi naman ni Bulacan Environment and Natural Resources Office Chief Julius Victor Degala  ang kanilang benchmarking sa bansang Japan patungkol sa bagong teknolohiiya sa solid waste management.

 

Ani Degala, nagtungo ang delegasyon ng Bulacan sa naturang bansa para tingnan ang mga magaganda at latest technology ng Japan pagdating sa solid waste management at siniguro may magandang proyekto bitbit ang punong lalawigan na sagot sa napipintong pagtaas ng basura sa hinaharap at tutugon sa maaayos na pangangalaga sa kalikasan.