LUNGSOD NG MALOLOS – Pinatunayan ng Bulacan na ito nga ang “Tahanan ng Magagandang Dilag” sa pagtatagumpay ni Chelsea Anne Manalo, isang Bulakenya mula sa Lungsod ng Meycauayan, laban sa 52 kandidata at pag-uwi ng pinakaaasam na korona ng Miss Universe Philippines 2024 na ginanap sa SM Mall of Asia Arena nitong Miyerkules, May 22, 2024.
Maliban sa titulo, wagi rin ang 24 taong gulang na dilag ng Miss Jojo Bragais special award.
Pinasalamatan ng bagong korona na Miss Universe Philippines ang kanyang pamilya, handler, make-up artists, at mga taong sumuporta sa kanya mula sa simula ng kanyang paglalakbay kabilang si Gobernador Daniel R. Fernando.
Sa ginanap na Top 5 question-and-answer portion ng pageant, tinanong si Manalo kung paano niya gagamitin ang kanyang mga katangian kabilang ang kagandahan at kumpiyansa upang palakasin ang ibang tao.
“As a woman of color, I’ve always faced challenges in my life. I was told that beauty has standards, but for me, I have listened and always believed in my mother. To always believe in yourself. Uphold the vows that you have in yourself. Because of these, I am already influencing a lot of women who are facing me right now. As a transformational woman, I have 52 other delegates here with me who helped me become the woman I am,” sagot niya.
Bumuhos sa social media ang mga pagbati para sa Bulakenyang reyna mula sa mga proud na Bulakenyo.
Kakatawanin niya ang Pilipinas sa entablado ng Miss Universe sa Mexico at susubukang sungkutin ang ikalimang titulo para sa bansa.