Bulacan, wagi sa Ika-50 Gawad Saka

GAWAD SAKA AWARDEE. Iprinisinta nina (ikatlo mula kaliwa) Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Operations and Agri Fisheries Mechanization Roger V. Navarro kasama sina Pinuno ng Provincial Agriculture Office (PAO) Ma. Gloria SF. Carrillo at Pinuno ng Provincial Veterinary Office (PVO) Dr. Voltaire G. Basinang ang plake bilang Outstanding Provincial Local Government Unit at seremonyal na tseke na nagkakahalaga ng P50,000 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ginanap na Ika-50 Gawad Saka awarding ceremony sa Travelers Hotel, Subic, Zambales noong nakaraang linggo. Makikita rin sa larawan sina Dr. Emmanuel C. Francisco, Veterinary IV mula sa PVO, DA-Regional Office 3 Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Nenita T. Caguingin, Supervising Agriculturist mula sa PAO, Cynthia N. Tiemsin, Supervising Agriculturist mula sa PAO, at Regional Agriculture and Fisheries Council Chairman Onesimo Romano.

LUNGSOD NG MALOLOS- Umani ng maraming parangal ang Lalawigan ng Bulacan sa katatapos lamang na Ika-50 Gawad Saka awarding ceremony na ginanap sa Travelers Hotel, Subic, Zambales noong nakaraang linggo.

 

Tinanggap ng Pinuno ng Provincial Agriculture Office na si Ma. Gloria SF. Carrillo at Pinuno ng Provincial Veterinary Office na si Dr. Voltaire G. Basinang ang plake ng pagkilala at seremonyal na tseke ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nagkakahalaga ng P50,000 sa pagkakamit nito ng Outstanding Provincial Local Government Unit award.

 

Binati ni Department of Agriculture Undersecretary for Operations and Agri Fisheries Mechanization Roger V. Navarro ang mga nagsipagwagi at sinaluduhan ang mga manggagawa sa agrikultura at pangisdaan sa kanilang dedikasyon at talento na magpunla sa kinabukasan ng isang nagkakaisa at nagsisikap na bansa.

 

“While the Department of Agriculture encourages partnership in nation building and food security, we know fully well that national progress begins with individual achievements, and these we celebrate today. Individual achievement is the cornerstone in which innovation, hard work, and dedication are purged into the national economy. It is the spark that ignites progress on the national scale, converting personal dedication into a collective march towards shared goals,” anang undersecretary.

 

Kasama sa mga pinarangalan rin mula sa lalawigan sina Aquino, Jr. mula sa Doña Remedios Trinidad para sa Outstanding High-Value Crop Farmer-Plantation Crops; Bausa Intergrated Farm and Training Center Inc. mula sa San Ildefonso para sa Outstanding Urban and Peri-Urban Agriculture Garden (Macrogarden); Luzon Dairy Cooperative mula sa Santa Maria para sa Outstanding Dairy Cattle Raiser; Danilo Dionisio mula sa Paombong para sa Outstanding Fisherfolk (Aquaculture); at City Fisheries and Aquatic Resources Management Council of Malolos para sa Outstanding City/Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council.