
Nasa kabuuang 7,514 na aso at pusa ang sumailalim sa neuter at spay surgery, habang nasa 263,302 naman ang binakunahan ng anti-rabies na isinagawa ng Bulacan Provincial Veterinary Office (PVO) sa buong taong 2025.
Ayon kay PVO head Dr. Voltaire Basinang, tuloy-tuloy ang kanilang kampanya at mas pina-igting ng kanilang tanggapan ang kanilang serbisyo partikular na sa mga alagang aso at pusa sa lalawigan.

Ito aniya ang derektiba ni Governor Daniel R. Fernando na mas palawakin pa ang kampanya ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng dagdag na paglilingkod sa mga pet lovers/ owners sa buong probinsiya gaya ng paghahatid ng libreng bakuna kontra anti-rabies at iba pang serbisyo.
Kabilang na rito ang pagsasagawa ng free consultation, surgery gaya ng neuter, spay, castration, treatment at vaccination.
Iniutos din ni Fernando ang pagsasagawa ng mga nasabing libreng serbisyo para sa mga aso at pusa araw-araw sa tanggapan ng Bulacan Provincial Veterinary Office.
Ayon kay Basinang, ang PVO ay maghahatid ng mga naturang serbisyo ng libre sa kanilang tanggapan bukod pa ang taunang mass vaccination sa selebrasyon ng Singkaban Festival at ang pagbaba nila sa mga barangay ng kanilang Damayang Filipino sa Barangay kung saan namamahagi rin sila ng mga gamot at vitamins ng mga alagang hayop.
Nabatid na nakapagtala rin ng 5,427 na aso at pusa ang nabigyan ng serbisyo ng Damayan Sa Barangay kung saan nasa 2,565 ang mga nag-aalaga nito o pet owners.
Kasama na rin sa kampanya ng PVO ang kanilang Information Education Campaign (IEC) na regular na isinasagawa sa mga barangay katuwang ang barangay health workers at mother leaders at namamahagi rin sila ng soft copies sa mga pribado at pampublikong paaralan para mabigyan ng kaalaman ang mga magulang at pet owners ng kahalagahan ng bakuna sa mga alagang hayop.
Naglaan din ng P3.5-million pondo si Fernando para sa pangangailangan ng PVO para mas mapalakas pa ang serbisyo at pagsasa-ayos ng tanggapan nito kung saan bibili ng mga equipment gaya ng digital X-ray, ultrasound, blood chem laboratory para sa mga libreng serbisyong ipagkakaloob.
Sa ngayon ay mayroong anim na veterinary doctors ang PVO at kayang makapaghatid ng spay/ castration surgery and vaccination ng hindi bababa sa 240 na aso at pusa sa araw-araw.





