Sa patuloy nitong laban upang makamit ang isang drug-free na lalawigan at sa pagiging isa sa mga high-functional na Anti-Drug Abuse Councils (ADACs), ginawaran ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng 2022 National Anti-Drug Abuse Council Performance Award ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isinagawang Regional Awards for Top Performing Provincial, City and Municipal Anti-Drug Abuse Councils na ginanap sa Kingsborough International Convention Center, Lungsod ng San Fernando, Pampanga noong Lunes.
Kabilang sa talaan ng mga pinarangalan ang mga Lungsod ng Meycauayan, San Jose Del Monte at Baliwag at mga Bayan ng Balagtas, Guiguinto, Plaridel, San Miguel at Doña Remedios Trinidad na mga pumasa sa 2021 ADAC Performance Audit na may pamantayang kasama ang bilang ng mga Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADAC), kakayanang mapanatili ang estado ng kawalan ng kaso ng iligal na droga sa lugar at pagbaba ng kaso sa iligal na droga para sa taong 2022.
Inanunsiyo rin sa programa ni Abgd. Anthony C. Nuyda, DILG-Central Luzon Regional Director, ang paglulunsad ng “Buhay Ingatan, Droga’y Iwasan” o ang BIDA Program na nakatuon sa pagpapababa ng drug demand at rehabilitation na kabibilangan ng pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan, ahensiya ng pamahalaang nasyunal, at iba pang mga sektor.
Sa kanyang mensahe bilang panauhing pandangal, sinabi ni Agbd. Margarita Gutierrez, DILG Undersecretary for Plans, Public Affairs and Communication at focal person ng BIDA program, na umaasa siya sa mga lokal na ADAC na maging inspirasyon sa iba para sa laban ng bansa kontra sa drug-abuse.
“In our fight against the drug menace, we need the whole nation’s strength and I am counting on each and every one of you here to be the spark which lights that match. Truly, I hope to stand here again next year, congratulating you once more for your excellent service. Not only that, but I hope your achievements may serve as an inspiration to other ADACs and local governments across the country, so that many more will be acknowledged next year for a job superbly done,” ani Abgd. Gutierrez.
Samantala, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan na ang bawat lokal na pamahalaan ay mahalaga sa pagkamit ng isang drug-free na lalawigan.
“Napakalaking bahagi po ng ating mga LGUs upang maisakatuparan natin ang layuning mapababa ang drug abuse dito sa ating lalawigan; nang dahil sa pakikipagtulungan ng bawat isa, muling nagkamit ang Bulacan ng pagkilala. And by that, I vow to keep up the excellence that the province has shown in this field and will make sure that every Bulakenyo lives in a safe, healthy and drug-free Bulacan,” anang gobernador.