LUNGSOD NG MALOLOS- Nilampasan ng Lalawigan ng Bulacan ang pamantayan para sa pagtatayo at pagresponde ng Local Disaster Risk Reduction and Management Councils and Offices (LDRRMCO) na nakabatay sa Philippine Disaster Risk Reduction Management Act of 2010 at tumanggap ng Seal of Excellence bilang Beyond Compliant sa ginanap na Ika-22 Gawad Kalasag National Awarding Ceremony sa The Manila Hotel, Manila ngayong araw, Miyerkules, Disyembre 7, 2022.
Binanggit ang World Risk Report 2022 kung saan pinangalanan ang Pilipinas bilang bansa na may pinakamataas na panganib sa mga sakuna at kalamidad mula sa 192 bansa, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairperson at Department of National Defense Officer-in-Charge at Senior Undersecretary Jose C. Faustino, Jr. na kailangang ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagpapabuti ng kakayahan nito upang epektibong matugunan ang mga kahinaan nito.
“Year after year, these uncontrollable calamities ravage our nation physically and in spirit. However, the same overwhelming challenge further proves the resilience of Filipinos. But, beyond our national resilience as a people, we have to be scientifically and technically adept in placing systems and processes that work. We need to continuously elevate so that the next time a disaster comes along, we are more prepared to respond,” ani Faustino.
Ang nasabing award ay personal na tinanggap nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob. Alex Castro.
Sa kanyang bahagi, pinasalamatan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang NDRRMC sa pagkilala at nangakong patuloy na paglalaanan ang disaster risk reduction and management.
“Ngayong taon, lubos na sinalanta ng sunud-sunod na kalamidad ang ating bayan. Nakalulungkot na may kinailangan pang magbuwis ng buhay sa kasagsagan ng isang malakas na bagyo na dumaan sa ating lalawigan. Kaya naman, patuloy ang ating commitment na pagtutuunan ng pansin ang disaster prevention, preparedness, and response upang maiwasan ang mga ganitong klase ng pangyayari,” anang gobernador.
Samantala, tumanggap rin ang mga Lungsod ng Malolos, Meycauayan, at San Jose del Monte at ang Bayan ng Calumpit ng gradong Fully Compliant sa kaparehong seremonya ng pagbibigay ng parangal.
Ang Gawad Kalasag Seal and Special Awards for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) and Humanitarian Assistance ang pangunahing programang pagkilala ng bansa para sa mga stakeholder na nagpapatupad at nagsusulong ng mga disaster risk reduction and management program.