Sa pagiging kampyon ng Early Childhood Care and Development (ECCD), tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang Gawad Edukampyon for Local Governance awardpara sa Province Category sa ikalawang pagkakataon sa ginanap na awarding ceremony sa Novotel Manila Araneta City sa Cubao, Quezon City noong Sabado.
Naniniwala si Gobernador Daniel R. Fernando na nakasalalay ang tagumpay ng layunin na itaguyod ang kaligtasan, pag-unlad, proteksyon, at mga karapatan sa pakikilahok ng mga bata sa maingat na pagpaplano at epektibong pagpapatupad ng mga programa para sa kanila.
“Bilang lingkod bayan, mahalaga po ang tungkulin natin sa paghubog ng kamalayan at kakayahan ng mga bata upang lumaki silang mabuti, maaasahan at mapagkalingang miyembro ng lipunan. Sa ating pagkakaisa at pagtutulungan ay mapapanatili nating kampyon ang ating lalawigan sa larangan ng edukasyon at serbisyo-publiko. Dahil dito sa Bulacan, ang batang Bulakenyo, batang may bukas,” ani Fernando.
Samantala, sinabi ni Rex Education CEO Don Timothy I. Buhain na ipinagdiriwang ng inisyatiba hindi lamang ang mga ideya, gayundin ay kinikilala ang mga aktwal na resulta, at hindi ipinagsasawalang-bahala ang mga pagsisikap ng mga kampyon ng edukasyon.
“Your efforts and projects that bore fruits resulting to improved learning, better services, and hopefully, better quality of life, realized outcomes and experience that at the end of the day will advance people’s causes,” ani Buhain.
Gayundin, kinilala sa kaparehong parangal sa municipal category ang ECCD Programs ng Guiguinto, Bulacan; CCD Support Programs and Services ng Pandi, Bulacan; at Free Psychological Assessment ng Obando, Bulacan.
Dagdag pa rito, nakuha ng Brgy. Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan ang Gawad Edukampyon for Barangay Justice Security and Disaster Preparedness award.