NASA kabuuang 1,562 mga bata edad 5-11 anyos ang nabakunahan sa isinagawang nationwide ‘Resbakuna Kids’ Covid-19 vaccination roll out sa mga mall ng SM City Baliwag, SM City San Jose Del Monte (SJDM) at SM City Marilao sa lalawigan ng Bulacan.
Ang ‘Resbakuna Kids’ vaccination drive ay isinagawa sa mga nabanggit na mall makaraang mapabilang sa official venue ng bakunahan para sa mga bata edad 5 hanggang 11.
Sinimulan ng SM City Baliwag nitong Lunes ang pilot vaccination activity sa pangunguna at pakikipagtulungan ng health office mula sa local government units (LGU)s.
“Today is a special milestone, especially for the kids of Bulacan. They have an added layer of protection against the virus, and because of that, malling will be happier and a lot safer for them,” ayon kay SM Regional Manager Lea Sta. Ana.
Sinabi naman ni Nica Baldeo-Cunan, mall media relation officer, upang maging kaaya-aya ang isasagawang pagbabakuna sa mga bata, ang SM City Baliwag vaccination site ay ginawang country farm-themed venue, mayroong kid-friendly areas para sa screening, registration, vaccination, observation at monitoring gayundin sa iba pang mga malls.
“We are happy to welcome kids here at the mall and be part of their journey as they take a step towards being protected against the COVID 19 virus. As always, we at SM will give our utmost support by keeping our venues open for vaccination drives like this” wika ni SM City Baliwag Mall Manager Rodora Tolentino.
Nabatid na umabot sa 500 mga bata ang nabakunahan sa pilot vaccination activity ng SM City Baliwag, nasa 962 namang mga bata ang binakunahan sa SM City SJDM mula Pebrero 21-28, habang nasa 100 bata naman sa SM City Marilao ang nabakunahan sa pangunguna ng Municipal Health Office.
Samantala, nakatakda rin isagawa ang kaparehong aktibidad sa mga minors sa SM Center Pulilan sa March 2.