LUNGSOD NG MALOLOS – Mas marami ng mga Bulakenyo ang makikinabang sa serbisyong medikal makaraang pasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando ang bagong Outpatient Department ng Bulacan Medical Center sa isang programa na isinagawa sa bagong OPD building na matatagpuan sa Bulacan Medical Center Compound, Brgy. Guinhawa dito Lunes ng umaga, Nobyembre 14, 2022.
Pinondohan ng Department of Health sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (DOH-HFEP) ang dalawang palapag na gusali na may tinatayang halaga na P49 milyon, para sa lawak na 684 square meters sa unang palapag at 612 square meters sa ikalawang palapag.
Sinabi naman ni Provincial Health Officer II Dra. Hjordis Marushka Celis na bukas ang bagong outpatient department mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 N.U. hanggang 5:00 N.H. na may kapasidad na tumanggap ng 300 hanggang 400 na pasyente bawat araw at tuwing Sabado mula 8:00 N.U. hanggang 12:00 N.H. upang maghatid ng serbisyo na limitado sa internal medicine at pagtatanggal ng tahi.
Pamamahalaan ang bawat pasilidad sa OPD ng mga section at department heads ng BMC kabilang na ang Family Planning, OB-Gyne, Surgery Department, Treatment/Excision, Laboratory, X-Ray Room, Medical Department, Psyche/EENT, IPCC/HESU, Animal Bite Training Center, Dental Clinic, Pedia/Under 5 Clinic, Sub-Specialty Area at Pediatric Department.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Fernando ang pasasalamat sa DOH sa pagbibigay sa lalawigan ng bagong gusaling pang-medikal.
“Mayroon na naman tayong gusali na ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang tayo ay makapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan, lalo’t higit ‘yung mga mahihirap na tao na walang sapat na pera at sa atin lumalapit para humingi ng tulong,” anang gobernador.
Mahigpit rin niyang pinaalalahanan ang mga kawani na gampanan ang kanilang mga tungkulin ng may integridad at paglingkuran ang mga Bulakenyong nangangailangan ng may pagmamalasakit at pang-unawa.
Inanunsiyo rin niya na ang dating outpatient department sa BMC ay magiging Department of Ophthalmology and Visual Sciences kung saan pinagunahan din niya ang groundbreaking ceremony nito sa idinaos na programa.
Para sa mga karagdagang mga katanungan at appointments, bisitahin lamang ang BMC OPD Online Appointment Facebook page o bisitahin ang link na https://www.facebook.com/BMCOPDKonsulta para sa OPD Consultation processes at mga anunsiyo.