LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang pagtupad sa kanilang pangako na pagpapabuti ng mga imprastraktura at disaster resilience, pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang bagong gawa na 389-metro na drainage system sa Purok Ilang-Ilang, Brgy. Panasahan sa lungsod na ito kahapon.
Ang bagong itinayong drainage system ay isang makabuluhang hakbang sa pagtugon sa isyu ng pagbaha sa lugar, partikular sa panahon ng tag-ulan, na idinisenyo upang mapahusay ang pamamahala ng daloy ng tubig, mabawasan ang panganib dulot ng pagbaha, at mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga residente ng Brgy. Panasahan.
Nagsimula ang konstruksyon ng proyektong ito noong Hulyo 1, 2024 at matagumpay na nakumpleto noong Oktubre 16, 2024 sa pamamagitan ng pondo mula sa Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) na ipinagkaloob ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na nagkakahalagang P3,979,898.47.
Nagpahayag naman ng kanilang taos-pusong pasasalamat ang mga lokal na opisyal ng barangay at mga residente para sa nasabing inisyatiba, at kinilala ang drainage system bilang sagot sa kanilang matagal nang suliranin.
“Dati maraming nadidisgrasya, mga napuputikan. Ang mga bata, nagkakasakit kasi walang drainage, kasi marumi ang naiipon na tubig. Ngayon maayos na dumadaloy ang tubig pati mga dumi ay hindi na naii-stock, iyon ang aking nakita dito ngayon sa aming lugar,” pagbabahagi ni Elizabeth Marquez, residente ng Purok Ilang-Ilang.
Binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng collaborative governance sa matagumpay na pagpapatupad ng mga naturang proyekto at inihayag na ang mga hakbangin tulad nito ay naging posible sa pamamagitan ng pagkamit ng lalawigan ng Seal of Good Local Governance.
“Ang proyektong ito ay isang pangmatagalang tugon para maiwasan ang ganitong mga suliranin sa hinaharap. Ito ay maghahatid ng malaking benepisyo sa ating komunidad. Inaasahan nating mas mag-i-improve ang daloy ng trapiko, mababawasan ang panganib ng pagbaha, at higit sa lahat, masisiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” anang gobernador.
Dinaluhan ang pagpapasinaya ng mga mahahalagang panauhin kabilang sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, Pangalawang Punong Lungsod ng Malolos Miguel Alberto t. Baustista, DILG Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino, Provincial Information Officer Katrina Anne B. Balingit, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan at ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos, habang pinangunahan ni Rev. Fr. Joselito R. Cruz ang pagbabasbas sa bagong drainage system.