Bulacan, pinarangalan ng Provincial Excellence Award para sa Outstanding Waste Management

LUNGSOD NG MALOLOS – Itinakda ng Lalawigan ng Bulacan ang mataas na pamantayan para sa pagpapanatili ng kalikasan matapos itong parangalan kamakailan sa 2025 Environmental Summit dahil sa natatanging programa nito sa pamamahala ng solid waste, na lalo pang nagpapatibay sa reputasyon ng lalawigan bilang nangunguna sa may mahusay na pamamahala at pangangalaga ng kalikasan sa Gitnang Luzon.

Buong pagmamalaking tinanggap ni Abgd. Julius Victor C. Degala, pinuno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office, ang Provincial Excellence Award in the Implementation of Solid Waste Management Programs sa ngalan ni Gobernador Daniel R. Fernando.

Tinanggap ni Degala ang parangal para sa makabagong estratehiya ng lalawigan, matibay na pakikilahok ng komunidad, at tuluy-tuloy na maayos na pamumuno tungo sa mas malinis at mas luntiang Bulacan.

Ang pinakamataas na karangalang ito ay batay sa masusing pagsusuri at beripikadong ulat mula sa Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Region III, na siyang nag-organisa ng nasabing pagtitipon.

Samantala, bilang patunay ng sama-samang tagumpay ng lalawigan, ilang bayan at lungsod rin sa Bulacan ang kinilala para sa kanilang mahusay na gawain sa Ecological Solid Waste Management kabilang ang Guiguinto, Plaridel, Pandi, San Miguel, Paombong, Calumpit, at mga Lungsod ng Baliwag, San Jose Del Monte, at Malolos.

Ang summit na may temang “Ending Global Plastic Pollution” ay nagbibigay parangal sa mga lokal na pamahalaan at mga katuwang na nangunguna sa makabagong paraan at pinakamahuhusay na gawain para sa kalikasan.

Pinatutunayan ng patuloy na tagumpay ng Bulacan na sa pinagsamang inobasyon at pagtutulungan, ang isang sustenable at walang basurang kinabukasan ay hindi lamang isang layunin, ngunit isang katotohanan.