
LUNGSOD NG MALOLOS – Pinagtibay ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI), sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ang kanilang pagsusulong para sa tapat, malinaw, at makataong pamumuno sa pagtitipon ng mga namumuno sa negosyo, mamumuhunan, at mga katuwang sa gobyerno sa ginanap na Invest Bulacan Summit 2025 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito nitong Myerkules.
Dala ang temang “Progress for Transparency, Accountability, and Good Governance”, pinagsama-sama ng summit ang mga pinuno at mga eksperto upang talakayin ang mga hakbang para sa mas mabilis, malinaw, at epektibong serbisyo ng pamahalaan.
Inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando, na kinatawan ng kanyang Chief of Staff na si Abgd. Nikki Manuel Coronel, ang kanyang pasasalamat sa BCCI para sa kanilang hindi matatawarang pagtulong sa Bulacan upang maabot ang buong potensyal nito sa pagnenegosyo.
“Hindi lamang kayo basta nag-iinvest at nagtatayo ng negosyo, nagtatanim rin kayo ng binhi ng pangmatagalang progreso at kaunlaran para sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon ng liping Bulakenyo,” ani Fernando.
Kabilang sa mga tagapagsalita sina Anti-Red Tape Authority (ARTA) Deputy Director General for Operations Undersecretary Lea Grace B. Salcedo; Punong Lungsod ng Baguio Benjamin B. Magalong at dating Audit Commissioner Heidi Mendoza sa pamamagitan ng teleconferencing; ekonomista, Co-chair ng Open Government Partnership (OGP) Steering Committee, at propesor sa University of the Philippines School of Economics Ma. Cielo D. Magno; at pangulo at CEO ng RSRH Livestock Corp. na si Raymond M. Hernandez.
Binigyan din ng update ang mga kalahok tungkol sa mga pangunahing proyekto sa Bulacan kabilang ang 85% na progreso sa New Manila International Airport na tinalakay ni San Miguel Corporation Infrastructure Chief Finance Officer Raoul Eduardo Romulo. Nakatakdang matapos ang proyekto sa Nobyembre 2027 at inaasahang magsisimula ang operasyon nito sa Oktubre 2028.
Dagdag pa dito, nagbahagi rin si Jessie Jay Galman, kinatawan ng Sumitomo Mitsui Construction Co., Ltd. ng impormasyon tungkol sa modernization project ng Philippine National Railways (PNR) North, na bahagi ang 35.70km rail line na may 10 istasyon, at inaasahang makapagbibigay serbisyo sa 300,000 na pasahero araw-araw. Ang mga proyektong ito ay nakikitang magpapahusay sa mobilidad, magbibigay ng trabaho, at magpapatibay sa Bulacan bilang pangunahing growth hub sa Gitnang Luzon.
Nagtapos ang Invest Bulacan Summit 2025 sa positibong paraan sa pamamagitan ng isang open forum kung saan tinalakay ang mga estratehiya para sa sustenableng pagpapalago ng ekonomiya.





