Bulacan, pinalakas ang mga hakbang upang sugpuin ang HFMD outbreak

LUNGSOD NG MALOLOS- Pinalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH) ang mga inisyatibo nito upang pigilan ang lalong pagkalat ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD), ang viral infection na nakaaapekto sa mga bata, sa lalawigan.

GOV. DANIEL R. FERNANDO

Idiniin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagkontrol ng HFMD at hinikayat ang mga Bulakenyo na maging maagap sa pagsunod sa mga health protocol.

“Patuloy po ang Pamahalaang Panlalawigan sa paggawa ng mga hakbang upang pangalagaan ang kalusugan ng mga Bulakenyo. Sa tulong ng ating health workers, mga lokal na pamahalaan, at mga miyembro ng ating komunidad, patuloy tayong magpapatupad ng mga hakbang para mapigilan ang pagkalat pa ng sakit na ito,” anang gobernador.

Upang labanan ang HFMD, nagpatupad ang PHO-PH ng mga strategic intervention kabilang ang pagpapalakas ng koordinasyon sa mga health center upang masiguro ang maagap na monitoring at follow-up sa mga naiulat na kaso ng HFMD; pagpapakilos sa mga boluntaryo sa komunidad upang magsagawa ng fever surveillance at maagang malaman ang mga posibleng kaso; regular na paglilinis at disinfection activities sa mga mahahalagang lugar kabilang ang mga eskwelahan, palaruan, at palengke; at pagpapahusay ng case surveillance at monitoring sa mga prayoridad na lugar upang agarang matugunan ang mga potensyal na maging outbreak.

Gayundin, pinataas ng public health office ng lalawigan ang kanilang lokalisadong pagpapakalat ng impormasyon sa kalusugan upang masiguro na maalam ang publiko patungkol sa pag-iwas, sintomas, at isolation protocols ng HFMD; at nagsagawa ng pagpupulong sa mga komunidad at information campaigns upang matuto ang mga residente sa pag-iwas sa HFMD at tamang kasanayan sa kalinisan.

Siniguro rin ng PHO-PH na makapagbigay ng sapat na medical supplies sa mga health center, kabilang ang antiviral treatments, pain relievers, at fluids; at training sessions para sa mga healthcare worker sa pamamahala ng mga kaso ng HFMD at maagang pagtukoy dito.

Ayon sa tala mula sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ng PHO-PH, nakapagtala ang lalawigan ng kabuuang 640 suspected kaso ng HFMD mula sa Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025, na 1003% mas mataas kumpara sa 58 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.