Bulacan pinaigting mga inisyatiba at pagtugon sa sakit

LUNGSOD NG MALOLOS –Mas pinaigting pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa tulong ng Provincial Health Office – Public Health, ang mga inisyatiba nito upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga kaso ng leptospirosis kahit pa malaki ang naging pagbaba ng suspected cases kumpara sa nakaraang taon.

Mula Enero 1 hanggang Agosto 9, 2025, nakapagtala ang Bulacan ng 114 na suspected leptospirosis cases kung saan dalawa lang ang naideklarang positibo sa pamamagitan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Katumbas ito ng 25% na pagbaba ng bilang ng mga kaso mula sa 151 na naitala sa parehong panahon noong 2024.

Bagama’t nananatiling mababa sa 40% epidemic threshold ang bilang, patuloy ang Pamahalaang Panlalawigan sa paggawa ng mga proaktibong hakbang upang protektahan ang pampublikong kalusugan—lalo’t higit ang mga lugar na naapektuhan ng baha na mas bulnerable sa naturang sakit.

Ilan sa mga inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ay ang mas pinaigting na surveillance at close monitoring sa mga binahang komunidad. Nakikipag-ugnayan din ang Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) sa mga city and municipal Surveillance Units upang matiyak ang napapanahong koleksyon ng mga datos, pag-aanalisa at pag-uulat ng mga kaso.

Upang mabawasan naman ang kapahamakan ng mga mas bulnerableng sektor, nagpamigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng doxycycline tablets sa 14,850 na residente sa pamamagitan ng mga City and Municipal Health Offices, government hospitals, simbahan, barangay, at iba pang mga grupo na humihingi ng nasabing gamot. Gayundin, aktibong nakikipagtulungan ang Kagawaran ng Kalusugan para masigurong sasapat na suplay pangmedisina.

Ang mga aktibidad sa pagtataguyod ng kalusugan ay isinasagawa rin sa buong probinsiya kung saan ang PHO-PH ay nagsasagawa ng mga lektura sa komunidad, pamamahagi ng mga materyales sa impormasyon, edukasyon, at komunikasyon o IEC tulad ng mga tarpaulin, at paggamit ng social media at lokal na mga broadcast sa radyo upang taasan ang kamalayan ng publiko tungkol sa pag-iwas at maagang paggamot sa leptospirosis.

Ayon sa PHO-PH, ang leptospirosis ay isang bacterial infection na sanhi ng Leptospira, na karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng paglusong sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng mga nahawaang hayop, partikular ang mga daga. Ang ibang mga hayop tulad ng baka, baboy, at aso ay maaari ding magdala ng nasabing bacteria.

Maaaring lumitaw ang mga sintomas ng leptospirosis sa loob ng apat hanggang 14 araw pagkatapos ng pagkaka-expose; kabilang dito ang lagnat, pamumula ng mga mata, pagtatae, pantal sa balat, pagsusuka, kawalan ng gana, panginginig, at pag-ubo.

Hinimok ng PHO-PH ang publiko na iwasan ang paglalakad sa tubig-baha, kung maaari, gumamit ng proteksiyon kapag hindi maiwasan ang pagkakalantad, at humingi ng agarang medikal na atensiyon sa unang senyales ng mga sintomas.

Upang maiwasan ang leptospirosis, pinaalalahanan ng PHO-PH ang publiko na iwasan ang paglusong sa tubig-baha, magsuot ng proteksiyon kapag hindi maiwasan ang pagsuong sa tubig, at humingi ng agarang medikal na atensiyon kapag lumitaw ang mga sintomas.

Siniguro naman ni Gob. Daniel R. Fernando na tintiyak ng Pamahalaang Panlalawigan ang kaligtasan ng kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng patuloy at pinaigting na mga interbensiyon.

“Ipagpapatuloy po ng ating Pamahalaang Panlalawigan ang mas pinaigting na mga hakbang upang hindi na dumami pa ang kaso ng leptospirosis sa ating lalawigan. Asahan po ninyo ang tuluy-tuloy nating serbisyo para mas mapainam pa ang ating pagtugon sa pangangailangan ng bawat Bulakenyo,” ani Fernando.

Tiniyak din ni Fernando na ang Bulacan Medical Center, kasama ang lahat ng mga district hospital sa probinsiya, ay handa at may sapat na kagamitan upang harapin ang anumang potensiyal na pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis.