LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang 3rd Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC), kung saan inaprubahan ang resolusyon na magpapalakas sa seguridad ng mga paaralan at unibersidad sa buong lalawigan.
Isinagawa ito bilang tugon sa mga ulat hinggil sa tumataas na bilang ng kriminalidad na kinasasangkutan ng mga estudyante.
Pinagtibay ng konseho ang Resolution No. 3, series of 2025 na naghihikayat sa lahat ng lokal na pamahalaan, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP), na palakasin ang seguridad sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Inihain ito ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia at kalaunan ay nirebisa upang maisama rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Department of Health (DOH).
Binigyang diin ni Fernando ang kahalagahan ng kaligtasan ng mga guro at estudyante at sinabing ang edukasyon ay higit lamang uunlad kung ito ay nasa ligtas na kapaligiran. Hinikayat din niya ang mga miyembro ng konseho na tiyakin ang kapayapaan sa buong lalawigan at hindi lamang sa mga paaralan.
“Patuloy po nating susuportahan ang ating mga kapulisan sa inyong mga layunin, huwag nating bigyan ng dungis ang ating uniporme sapagkat tayo po ay nasa serbisyo, tayo po ay pinagkakatiwalaan ng mga tao,” anang gobernador.
Ipinabatid din niya na sa ilalim ng programang kontra iligal na droga, 150 sa 572 barangay sa lalawigan o katumbas ng 26.22% ang hindi pa cleared at patuloy ang pagtutok upang tuluyang maging drug-free ang Bulacan.
Samantala, nangako ang PNP ng 5-minutong tugon sa lahat ng insidente at paiigtingin ang crime prevention sa pamamagitan ng dagdag na presensya ng pulis, paglalagay ng CCTV, at mga programang pangkomunidad na nagtataguyod ng kooperasyon ng mamamayan at kapulisan.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga ulat mula sa iba’t ibang ahensya kabilang ang Peace and Order Programs (DILG Bulacan), Anti-Illegal Drugs Program (PDEA Bulacan), Criminality Situation (PNP Bulacan), Anti-Insurgency Program (70th Infantry Battalion), Jail Situation (BJMP Bulacan), Fake News and Disinformation (PIA Bulacan), at Student Security Plan of Action (DepEd Bulacan).
Dumalo rin sa pagpupulong sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonette V. Constantino, Bokal Fortunato SJ. Angeles, at iba pang pangunahing opisyal mula sa iba’t ibang ahensya.