Bulacan, pinaigting ang pagbabantay sa illegal quarrying, illegal logging

NAGTALAGA ng karagdagang mga checkpoints ang Bulacan Environment and Natural Resources (BENRO) para sa mas pinaigting na pagprotekta sa kapaligiran mula sa iligal na pagmimina at illegal logging sa buong probinsiya.
Ayon kay BENRO head Atty. Julius Victor Degala, ang nasabing hakbang ay base sa derektiba ni Governor Daniel Fernando para sa mga programang pang kapaligiran kung saan ang mga naturang checkpoint ay magbabantay sa pagbiyahe ng quarry materials upang maseguro na ang mga ito ay mula sa mga lugar na may permit.

 

Bilang karagdagan, bumuo rin ang kanilang tanggapan ng roving team na magbabantay sa mga checkpoint bukod pa sa regular na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon na oras.

GOB DANIEL R. FERNANDO

Nilinaw ni Gob. Fernando na mataas ang pangangailangan sa quarrying at nagbibigay ito ng hanapbuhay sa mga Bulakenyo ngunit kailangan itong kontrolin at mahigpit na bantayan.

 

“Ang regulated at permitted quarrying ay namomonitor kung kaya hindi tahasang nasisira ang kapaligiran dahil dito. Ang illegal quarrying po ang kalaban at ‘yun ang patuloy nating binabantayan at nilalabanan,” anang gobernador.

 

Simula ng kanyang unang termino bilang gobernador noong 2019, nakapag-monitor at nakapag-patrolya na ang BENRO ng may 468 ulat laban sa illegal logging; nakapagbantay at nakapag-imbestiga sa 181 quarries at mining concerns; nakapagsuri sa 35,494 sasakyan kaugnay sa kanilang accreditation stickers; at nakapagkolekta ng 128,551 piraso ng delivery receipts at transport slips.

 

Ibinahagi rin ni Degala na sa kabila ng mga lockdown at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, pareho ang koleksyon ng mga multa, at ang mga multang ito ay diretsong napupunta sa Kapitolyo dahil nagbibigay ang kanilang tanggapan ng Official Receipts mula sa Provincial Treasurer’s Office.