LUNGSOD NG MALOLOS – Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pakikipagtulungan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Konsultasyong Sulit at Tama (KonSulTa) Caravan sa Bulacan na ginanap kamakailan sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kung saan layunin nitong magbigay ng dekalidad na pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga Bulakenyo sa ilalim ng Universal Health Care law.
Ang KonSulTa Program ay isang game changer na nag-aalok ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan sa primary care level kabilang ang libreng konsultasyong medikal, piling pagsusuri sa laboratoryo at diagnostiko, pagsusuri at pagtataya ng panganib sa kalusugan, at piling gamot mula sa isang akreditadong PhilHealth KonSulTa provider.
Sinabi ni PhilHealth Luzon Vice President Walter R. Bacareza na magbibigay din ang PhilHealth ng tulong pinansyal upang tiyakin na makakakuha ang mga indibidwal ng kumprehensibong serbisyong pangkalusugan na tutugon sa mga pangangailangang medikal at pinansyal na higit na nagpapakita ng kanilang pangako na mapabuti ang pangkalahatang kalusugan at kapakanan ng komunidad.
“We are investing in primary care so that we don’t have to spend high expenditures in the curative care. Ito ang gusto nating i-promote ngayon. And of course, PhilHealth will provide the financial support para po sa layunin na ito,” ani Bacareza.
Upang mapakinabangan ang mga serbisyo, dapat rehistrado ang isang miyembro ng PhilHealth sa isang PhilHealth KonSulTa provider.
Samantala, binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mahalagang papel ng mga Barangay Health Worker sa pagtuturo sa mga Bulakenyo sa mga komunidad dahil sila ang tagapamagitan at direktang nakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng komunidad na humihingi ng tulong.
“Kayo ang katuwang ng mga RHU sa ating mga pasilidad ng pangunahing pangangalaga. Kayo ang humaharap sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong upang ipamahagi ang Philhealth KonSulTa, marami pa kasi ang hindi nakakaalam ng programang ito. Kaya kayo naririto dahil kayo ang magpapalaganap at magiging ehemplo ng programang ito. Let us spread the good news,” anang gobernador.
Dinaluhan ang paglulunsad ng Bulacan KonSulTa Caravan nina Bise Gob. Alexis C. Castro, Central Luzon Center for Health Development Regional Director Dr. Corazon I. Flores, Philippine Health Insurance Corporation Region 3 Acting Branch Manager Arlan M. Granali, PhilHealth Luzon Vice President Walter R. Bacareza at 726 na BHW mula sa mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Hagonoy, at Pulilan.