LUNGSOD NG MALOLOS – Muling iginawad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Seal of Good Local Governance (SGLG) sa walong taong magkakasunod.
Sa kaniyang mensahe sa ginanap na “Pamaskong Pagdiriwang sa Ulat sa Lalawigan 2024” sa Bulacan Capitol Gymnasium noong Miyerkules, Disyembre 11, binigyan-diin ni Governor Daniel R. Fernando ang dedikasyon ng lalawigan sa kahusayan at mabuting pamamahala kung kayat iginawad ang nasabing award.
Sa pangunguna nina Fernando at Vice Gov. Alexis C. Castro, tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang prestihiyosong parangal noong Martes, Disyembre 10, sa Manila Hotel.
Kabilang sa mga lungsod at munisipalidad na nakatanggap ng parehong SGLG award ay ang Lungsod ng Baliwag, Malolos, Meycauayan, at San Jose del Monte, at Munisipyo ng Angat, Balagtas, Bulakan, Bustos, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Marilao, Pandi, Paombong, Plaridel , Pulilan, San Ildefonso, at Santa Maria.
Mula nang ilunsad ang SGLG noong 2014, ang Bulacan ay taon-taon nang awardee, na nakakuha ng SGLG seal sa loob ng walong magkakasunod na taon.
Ang ‘Ulat sa Lalawigan’ ay dinaluhan ng mga opisyal at miyembro ng Sangguniang Barangay mula sa Distrito 1 kabilang ang mga bayan ng Paombong, Pulilan, Bulakan, Calumpit, Hagonoy, at Lungsod ng Malolos kung saan pinaalalahanan sila ni Fernando na bahagi sila ng tagumpay na ito at hindi maging posible kung wala sila.
“Lahat kayo, hindi po namin ‘yan mabubuo without you. Pinagtulung-tulungan po natin lahat ito. ‘Wag mong isipin na sa amin lang ito. Tayong lahat ay bahagi ng SGLG na iyan. ‘Yang walong sunud-sunod na ‘yan ay kabahagi ng mga kapitan sa buong lalawigan ng Bulacan,” aniya.
Idinagdag din ni Castro na ang nasabing milestone ay resulta ng patuloy na pagkakaisa ng PGB para sa lahat ng Bulakenyo, na binibigyang-diin ang posibleng epekto ng awayan ng mga pinuno sa mga mamamayan.
“Kapag nag-aaway-away ang mga lider, sino ba ang naapektuhan? Ang taumbayan. Kayong mga nasa barangay. Sino ang naiipit? ‘Yung mga nasa barangay. Kaya kung sa ibang bayan ang mayor at vice mayor ay magkaaway na, dito po sa Provincial Government si Daniel Fernando at Alex Castro patuloy pong nagkakaisa para sa buong lalawigan ng Bulacan,” wika ni Castro.
Upang maging kuwalipikado para sa SGLG award, ang mga LGU ay dapat pumasa sa mga pamantayan sa pagtatasa sa iba’t ibang lugar ng pamamahala kabilang ang financial administration; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace, and order; environmental management; tourism, heritage development, culture, and the arts; and youth development.