Bulacan, nakibahagi sa pagdiriwang ng Philippines’ Earth Day

LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang pakikiisa sa taunang pagdiriwang ng Philippines’ Earth Day tuwing ika-22 ng Abril, hinikayat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang lahat ng tanggapan at mga ospital na makibahagi sa mga gawaing pangkalikasan sa ngalan ng pagiging sustenable at pagkakaroon ng kamalayang pang-klima.

Hinikayat ang mga kawani na magsama-sama sa mga gawaing tumutugon sa tema ng Earth Day ngayong taon na, “Our Power, Our Planet”, na nakatuon sa paggamit sa renewable energy sources tungo sa isang mas luntian at ligtas na hinaharap.

 

Pinangunahan ng Waste Management and Pollution Control Division ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), kasama ang United Pulp and Paper Co., Inc. at CENRO Malolos, ang isang malawakang clean-up drive sa kahabaan ng MacArthur Highway kung saan halos 60 sako ng halu-halong basura ang kanilang nakuha. Naglaan din sila ng oras upang magbigay kaalaman sa mga estudyante at mga food stall vendor sa Mini Forest sa loob ng PGB Compound hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng kamalayang pangkapaligiran at pagsunod sa mga ordinansa ng lalawigan.

 

Samantala, isang grupo naman ang nagsagawa ng clean-up drive sa iba’t ibang barangay sa Bayan ng Guiguinto kabilang ang Tuktukan, Ilang-Ilang, Tabang, at Poblacion.

 

Nagsagawa rin ang Enforcement Division ng BENRO, katuwang ang MENRO San Miguel at ang Bulacan Youth for Disaster Risk Reduction and Management (BYDRRM), ng pagtanggal ng mga hazardous waste sa Salangan Dam sa San Miguel. Nilinis din nila ang mga pampang ng ilog sa Poblacion, Santa Maria.

 

Ayon sa Proclamation No. 1481, serye ng 2008, idineklara ang Abril 22 bilang Earth Day sa Pilipinas bilang pagkilala sa agarang pangangailangan na itaas ang kamalayan ng publiko ukol sa climate change, pangangalaga sa likas na yaman, at pagsustena ng kalikasan.