Bulacan, nagwagi ng tatlong major awards sa ATOP Awards 2025

LUNGSOD NG MALOLOS – Buong pagmamalaking itinanghal ang lalawigan ng Bulacan bilang isa sa mga nangungunang lalawigan matapos nitong masungkit ang tatlong major awards sa prestihiyosong Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) Pearl Awards 2025 na ginanap sa Hotel Supreme, Lungsod ng Baguio noong, Oktubre 2. 
Nakamit ng Singkaban Festival 2024 ng Bulacan ang unang gantimpala sa Best Tourism Month/Weekly Celebration Province, na kilala sa makulay nitong selebrasyon ng kultura ng mga Bulakenyo at sa patuloy nitong pagiging tanglaw ng mayamang tradisyon ng sining ng lalawigan.
Itinanghal naman ang Lungsod ng San Jose Del Monte bilang Grand Winner sa Best Event Hosting – (Local Event) para sa “Preserving and Celebrating Cultural Legacy: The 42nd National Folk Dance Workshop” at ang “75th Anniversary of the Philippine Folk Dance Society” na nagbigay ng pagkakataon sa mga mananayaw ng folk dance mula sa iba’t ibang panig ng bansa na makapagtipun-tipon.
Kinilala rin bilang Grand Winner ang Bayan ng Obando bilang Best Tourism Event – Religious Festival para sa Pistang Obando 2024: Sayaw ng Progreso – ang pagdiriwang na humalina sa mga turista dahil sa pinagsanib nito ang tradisyon at pananampalataya.
Samantala, tampok din sa gabi ng pagkilala ang Posthumous Award na iginawad kay dating Provincial Tourism Officer ng Bulacan, Dr. Eliseo S. dela Cruz, bilang pagkilala sa kanyang natatanging ambag sa kultura at turismo ng lalawigan.
Lubos naman ang pasasalamat ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga parangal na natanggap ng Bulacan, at ayon sa kanya, ang ATOP Pearl Awards ay sumasalamin sa pagsisikap ng lalawigan upang paunlarin at maisulong ang pamanang kultura sa pamamagitan ng aktibo at inklusibong mga inisyatibong panturismo.
“Iniaalay natin ang tagumpay na ito sa lahat ng Bulakenyo na nagpapatuloy na panatilihin ang diwa ng lalawigan. Hindi lamang patunay ang mga parangal na ito sa pagiging malikhain ng mga Bulakenyo, repleksyon din ito ng matatag nating paninindigan na pangalagaan at ipamana ang ating mayamang kultura sa mga susunod pang henerasyon,” anang gobernador.
Ang ATOP Pearl Awards, sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism, ay taunang nagbibigay ng pagkilala sa mga may pinakamahusay na gawain sa larangan ng turismo mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.