LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsasagawa ang pamahalaang panlalawigan katuwang ang Bureau of Fire Protection o BFP Bulacan ng iba’t ibang aktibidad kaugnay sa Buwan ng Pag-iwas sa Sunog ngayong Marso.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, buong buwan ng Marso ay isasagawa ang information and education campaign sa pamamagitan ng pamamahagi ng babasahin tulad ng leaflet, flyers, handbook, poster at tarpaulin sa buong lalawigan.
Magsasagawa rin ang BFP ng fire safety inspection sa mga gusali sa bakuran ng kapitolyo at mga tanggapan at ospital sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan.
Tuwing araw ng Martes ay isasahimpapawid naman ang mga programa ng PDRRMO na naka-angkla sa temang “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa” sa Radyo Kapitolyo FB live streaming.
Kasama rin sa isagawang aktibidad ang iba’t ibang pagsasanay kabilang ang Psychosocial Support & Positive Parenting during COVID-19 Pandemic, A Webinar for Solo Parents; Basic Aquatic Search and Rescue Training for Bulacan Association of Resorts Owners sa Balay, Tiaong, Guiguinto, Bulacan; Disaster Risk Reduction and Management in the New Normal and Emergency Preparedness for Couples for Christ (Bulacan Chapter) sa PDRRMO Training Room at Physical Fitness Activity for Bulacan Rescue Rope Rescue Training; Urban Search and Rescue/Crashed Vehicle Extrication Rescue Training; at Refresher Course on Fire Safety para sa mga safety marshals ng provincial government.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando kailangan ang arawang kahandaan at tuluy-tuloy na pagbibigay ng kaalaman sa mga Bulakenyo sa banta ng sunog sa buhay at ari-arian.
Binigyan diin ng punong lalawigan na dapat sundin ang pambahay at pangsagip-buhay na tips tulad ng pagiging maalam, kalmado at pag-aksyon ng nararapat na kilos pag may sunog.
Samantala, nakapagtala ang lalawigan ng mababang bilang ng insidente ng sunog para sa taong 2021.
Sa datos ng BFP, may 201 lamang na kaso ng sunog noong nakarang taon kumpara sa 382 noong 2020, subalit may naitala naman mataas na kaso ng casualty na 25 kumpara sa 19 ng kaparehong taon.