Bulacan, nagsagawa ng techno demo on high value crops, ipinagdiwang ang Harvest Festival

LUNGSOD NG MALOLOS – Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan katuwang ang Pamahalaang Bayan ng San Ildefonso, Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF), at ang Philippine Seed Industry Association (PSIA) ang Provincial Techno-Demo on High Value Crops noong Lunes sa Virginia Farms sa Brgy. Gabihan, San Ildefonso, Bulacan.

 

Idinaos ito upang maipakita ang magandang ani ng iba’t ibang mga gulay mula sa mga seed company; isulong ang pagtatanim at pagkain ng high value crops na mga gulay; maitampok ang mga makabagong teknolohiya sa pagtatanim ng gulay; at patuloy na mapasigla ang paggugulayan sa lalawigan.

 

Dumalo sa okasyon sina Bise Gob. Alexis C. Castro kasama si Rinelle Mika Antonio, kinatawan ni Gob. Daniel R. Fernando, Bokal Romeo “RC” Castro, Jr., Panlalawigang Agrikulturista Ma. Gloria SF Carrillo, Municipal Agriculture Officer Victorio C. Joson, Jr., Pangulo ng Philippine Seed Industry Association (PSIA) Dr. Mary Ann P. Sayoc, OIC Executive Director Julieta E. Opulencia ng PCAF na kinatawan ni Partnership Development Division Volunteer Chief Winsor Guadario, Regional Executive Director Crispulo G. Bautista ng Department of Agriculture Regional Field Office III na kinatawan ni  Agriculturist I Christine Joy L. Corpuz, Program Director Gerald Glenn B. Panganiban na kinatawan ni Cristopher Cruz, OIC  Chief of National Industry Seed Council Mary Ann Guerrero, PSIA Executive Director Dr. Gabriel Romero, Tom Peng, kawani ng Taiwan Technical Mission at mga opisyal ng  Brgy. Gabihan sa pangunguna ni Kap. Marilyn Inovero.

 

Walong seed companies ang lumahok sa nasabing gawain kabilang ang Advanta, Allied Botanical Corporation, East West Seed Company, Enza Zaden, FA Greenseeds, Kaneko, Ramgo International at Seedworks.

 

“Ang layunin talaga ng aming samahan ay makapagbigay ng dekalidad na buto at teknolohiya sa ating mga magsasaka. Ito po ay taunang ginagawa na field demonstration at harvest festival para nga po maipakita namin sa mga maggugulay, sa ating magsasaka ‘yung mga bagong teknolohiya at mga bagong varieties ng gulay,” ani Sayoc.

 

Kasabay nang pagsasagawa ng techno demo ang selebrasyon ng Harvest Festival kung saan namalas ang sari-saring uri mga gulay sa mga booth ng mga lumahok na seed companies.

 

Kabilang sa mga inaning gulay at prutas ang kalabasa, upo, patola, pakwan, sili, pipino, talong, sitaw, mais at iba pa.

 

Sa kanyang mensahe na binasa ni Antonio, sinabi ni Fernando na ang pagpapalakas ng produksyon ng high value crops ay makatutulong sa pagkamit ng kaseguruhan sa pagkain at pagpapagaan ng kahirapan.

 

“Sa pamamagitan po ng mga ganitong programa ay nasisiguro nating maisulong ang pagtatanim ng mga high value crops na mga gulay gayundin ang maipakita ang mga makabagong pamamaraan at teknolohiya sa pagtatanim ng mga ito. Naniniwala po tayo na ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura ay isa sa mga solusyon sa kinakaharap nating problema sa kagutuman at kahirapan kaya naman kasama sa ating mga programa ang pagtuturo sa ating mamamayan na magtanim sa kanilang mga bakuran at komunidad dahil sa ganitong paraan ay makakamit natin ang seguridad sa pagkain para sa ating pamayanan,” ani Fernando.