LUNGSOD NG MALOLOS- May kabuuang 250 Agricultural Extension Workers (AEWs) ang nagtipun-tipon upang matutunan ang kasalukuyang kalagayan at inaasahan sa agrikultura kaugnay nang paghahatid ng agricultural extension services sa ginanap na AEW Summit 2023 sa Merryland Integrated Farm and Training Center sa Brgy. Taal, Pulilan noong Lunes.
Nakaangkla sa temang “Dynamic Resilient Farming: Agriculture in the Age of Climate Transformation”, tinalakay ng mga AEW ang Implementation of the National Soil Health Program: Collaborative Action in Addressing Soil, Land Degradation, Climate Change & Biodiversity Loss sa pamamagitan ni Engr. Oscar Carpio mula sa Department of Agriculture-Bureau of Soils and Water Management; Web-based Integrated Spatial Engine and Smart Ecosystem Carbon Farming sa pamamagitan ni Atty. Eric Reynoso mula sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture; Awareness of El Niño Phenomenon sa pamamagitan ni Nestor Nimes mula sa Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration; at ang Central Luzon’s Action Plan for El Niño sa pamamagitan ni Lowell Rebillaco mula sa DA-Regional Field Office III.
Sa kanyang mensahe na inilahad ni Crispin de Luna, binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mahalagang gampanin ng mga AEW sa pag-akay sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
“Batid ko po ang mga balakid at kalbaryong kinakaharap ninyo sa kasalukuyan kaya naman para mapagaan ang inyong pasanin ay patuloy tayong nagbababa ng mga kumprehensibong programa at proyektong tutugon sa inyong mga pangangailangan. Hindi rin tayo natatakot na mag-invest sa mga trainings at seminars upang matuto ng makabagong pamamaraan sa pagtatanim at pangingisda ang ating mga kababayan,” anang gobernador.
Gayundin, kinilala ni Bise Gob. Alexis C. Castro ang walang humpay na pagsisikap ng mga AEW sa lalawigan, at pinahalagahan ang kanilang mahalagang kontribusyon sa pagpapabuti ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at livestock sa gitna ng mga pagsubok.
Mahalaga ang gampanin ng Agricultural Extension Workers Summit 2023 sa pagbibigay sa mga AEW sa lalawigan ng mga napapanahong kaalaman na kailangan upang gabayan ang mga magsasaka sa pagharap sa nagbabagong klimatikong pagsubok.