LUNGSOD NG MALOLOS – Labis na ikinagulat ng mga Bulakenyo ang pagpanaw ni Kalihim Susan ‘Toots’ Ople ng Department of Migrant Workers noong Agosto 22, 2023 bandang ala-1:00 ng hapon matapos igupo ng Stage 2 breast cancer.
Kilala bilang “Tireless Champion of Overseas Filipino Workers”, si Toots ay isang lingkod bayan na ang pangunahing adbokasiya ay itaguyod at ipaglaban ang karapatan ng mga Overseas Filipino Workers.
Kabilang sa kanyang mga nagawa ay ang pagtutol sa parusang kamatayan na ibinigay kay Mary Jane Veloso na nalinlang sa pagdadala ng droga sa Indonesia at isinulong din niya ang pagpapalaya sa maraming OFWS na nakulong sa Gitnang Silangan.
Bago siya naging Kalihim ng Department of Migrant Workers, nagsilbi si Ople bilang Undersecretary ng Department of Labor and Employment (DOLE). Siya rin ay naging Chief of Staff sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Noong 2013, tinanggap niya ang Trafficking-in-Persons Hero Award mula sa US State Department at Alumni Achievement Award mula sa Kennedy School of Government, Harvard University noong taong 2010.
Pinamunuan din ni Ople ang Blas F. Ople Policy and Training Institute, isang non-profit na organisasyon na aktibong kasangkot sa mga isyu sa paggawa at migrasyon.
Samantala, ipinahayag naman ni Gob. Daniel R. Fernando ang kanyang pakikidalamhati lalo pa at malaki ang nawala sa bansa matapos ang pagpanaw ng kalihim ng DMW.
“Lubos na ikinalulungkot ng lalawigan ng Bulacan ang pagkawala ng isang public server na tunay na nagpakita ng tunay na malasakit sa kapakanan ng ating mga OFWs, at sa kabilang banda ay lubos ang ating pagpapasalamat dahil naprotektahan niya ang karapatan ng ating mga migrant workers. Isa pong malaking kawalan sa Pilipinas ang pagkawala ng isang Toots Ople, kung kaya’t kami po ay nakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay na kanyang naulila,” anang gobernador.
Si Ople ay bunsong anak ng namayapang dating Senate President at kalihim ng Foreign Affairs na si Blas F. Ople.
Nakahimlay ang kanyang labi sa Chapel 1 ng Heritage Memorial Park sa Taguig City simula ngayong hapon, Miyerkules, Agosto 23 hanggang Martes, Agosto 29 kung saan siya ihihimlay sa kanyang huling hantungan.