LUNGSOD NG MALOLOS – Nagluluksa ang Lalawigan ng Bulacan kasunod ng hindi inaasahang pagpanaw kahapon, Hulyo 13, 2023, ni Bokal Felix “Toti” V. Ople ng Unang Distrito, isa sa mga batikang lingkod bayan at mambabatas ng Sangguniang Panlalawigan.
Tumagal ng ilang dekada ang serbisyo publiko ni Ople kung saan isang termino siyang nanungkulan bilang konsehal mula 1995 hanggang 1998 at tatlong termino bilang Punong Bayan sa Munisipalidad ng Hagonoy mula 1998-2007. Pinarangalan siya bilang Most Outstanding Mayor ng Gintong Kabataan Awards dahil sa natatangi niyang pagganap bilang lokal na ehekutibo sa mga taong 2005, 2006 at 2007.
Bilang isang mambabatas, nag-akda siya ng mga makabuluhang ordinansa na nagkaroon ng positibong epekto sap ag-unlad ng lalawigan. Kabilang dito ang Ordinansa Blg. 2012-09, Resolusyon Blg. 098-T’12 o ang ‘Panlalawigang Kautusan na Nagbabawal sa Paggamit ng Non-biodegradable (‘di-nabubulok) Plastic Bags, Styrofoam at mga Kauri nito bilang Packaging Materials sa Lalawigan ng Bulacan at Nagtatakda ng Kaparusahan sa Paglabag Nito’ at Ordinansa Blg. 2012-01, Resolusyon Blg. 036-T’12 o ang ‘2011 Tricycle Code of Bulacan’.
Aktibo rin siyang nakibahagi bilang miyembro ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Disaster Management Council at Legislative-Executive Development Advisory Council. Siya rin ang kinatawan ng SP sa Emilio G. Perez Memorial Hospital Board. Minamahal si Ople ng maraming Bulakenyo dahil sa kanyang kahusayan, katalinuhan, at kabaitan.
Bago pa man lumala ang kalagayan ni Ople, binisita siya ni Gob. Daniel R. Fernando upang iparating ang kanyang pagdamay at simpatiya sa bokal at pamilya nito.
Ani Fernando na nagpahayag ng kanyang kalungkutan matapos ang biglaang pagpanaw ni Ople, “Our province lost a good and compassionate leader, and I have lost a dear friend. He did not only serve as a colleague, siya rin ay naging isang mabuting katuwang at kaibigan, naging magandang halimbawa at inspirasyon hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa lahat ng mga nakapaligid sa kanya. Taos-puso po kaming nakikiramay sa mga naulila ni Bokal Toti.”
Nakahimlay ang mga labi ni Ople sa Christ the King Parish Greenmeadows sa Quezon City at iuuwi sa kanyang minamahal na bayang Hagonoy sa Linggo, Hulyo 16, 2023.