
LUNGSOD NG MALOLOS – Kinilala ang mga natatanging kooperatiba sa Bulacan sa ginanap na 2025 Gawad Galing Kooperatiba Awarding Ceremony na pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) sa The Pavilion ng Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Biyernes, Disyembre 12, 2025.
Tumanggap ang mga pinarangalan ng perang insentibo at mga plake ng pagkilala bilang pagkilala sa kanilang huwarang pagganap at mahalagang papel sa pagpapaunlad ng sektor ng kooperatiba sa lalawigan, kung saan iginawad sa Bagong Barrio Multipurpose Cooperative ang Gawad Galing Kooperatiba sa ilalim ng Cooperative Awards for Continuing Excellence (COOP ACE), ang pinakamataas na parangal para sa isang kooperatiba sa Bulacan, bilang pagkilala sa kanilang katangi-tanging pagganap, tuluy-tuloy na paglago, at makabuluhang ambag nito sa lokal na komunidad.
Para sa Gawad Galing Kooperatiba, itinanghal na nagwagi sa Large-Scale Category ang Sta. Monica of Bustos MPC, habang kinilala naman sa Medium-Scale Category ang San Gabriel Rural Waterworks and Development Cooperative.
Samantala, kinilala ang Sto. Niño de Parada MPC para sa Outstanding Performance, habang nagwagi ang Bulacan State University MPC sa Large-Scale Category para sa Notable Performance, at idineklarang mga panalo sa Medium-Scale Category ang NIA–Region III MPC at ang Marilao Municipal Employees MPC.
Iginawad din ang Special Distinction awards sa Catholic Servants of Christ Community MPC at Panasahan Cooperative sa Large-Scale Category, habang tumanggap ng kaparehong parangal sa Medium-Scale Category ang Grotto Novaliches Transport Service Cooperative, Bulacan Court Employees MPC, Vitarich Employees Cooperative Association, San Isidro–San Roque Credit Cooperative, Homebuilders Alkansya MPC, at Sapang Palay National High School MPC.
Bukod dito, pinarangalan ng Special Citation ang PAGUNOVA Transport and Multipurpose Service Cooperative, Augustinian Cavaliers MPC, Sapang Palay Minuyan MPC, at Malhacan Rural Waterworks MPC.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang paniniwala na ang inklusibong paglago ng ekonomiya ay nakaugat sa pagbibigay-lakas sa maliliit na negosyante at hindi lamang sa pag-asa sa malalaking negosyo.
“First term pa lang ng inyong lingkod, ang target ko na talaga ay palakasin ang ating mga micro, small and medium enterprise dahil naniniwala po ako na diyan talaga kukuha ng lakas ang ating mga pagnenegosyo. Kapag tinutukan po natin ang maliliit na negosyante, mas marami po ang mabibigyan ng pagkakataon na umunlad sa negosyo,” anang gobernador.
Pinuri rin ni Fernando ang pinuno ng PCEDO na si Abgd. Jayric L. Amil sa patuloy na pagpapatupad ng mga programang sumusuporta sa negosyo at kabuhayan, at binigyang-diin na dahil sa sama-samang pagsisikap ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga kooperatiba, ginawaran ang Bulacan ng Most Business-Friendly LGU Citation nitong 2025.
Samantala, binigyang-diin naman ni Cooperative Development Authority Chairperson Usec. Alexander B. Raquepo, panauhing pandangal, na ang pagtanggap ng parangal ay hindi katapusan kundi isang mas malaking hamon upang higit pang pagbutihin ang pamamahala at pagpapatakbo ng mga kooperatiba upang mapanatili ang kahusayan ng mga ito.
“Tinitingnan ko po na hindi lamang kayo hanggang pang-Bulacan, baka mapunta pa sa rehiyon, at eventually makakuha pa ng national awards dahil sigurado akong kayo ang magiging ipinagmamalaki ng Lalawigan ng Bulacan,” ani Usec. Raquepo.
Dumalo rin sa awarding ceremony sina CDA Region III Extension Office Regional Director Marieta P. Hwang, na kumilala sa Bulacan bilang isang lalawigang may masigla at maunlad na mga kooperatiba, kasama sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino, PCDC Bulacan Chairperson Leilani N. Babista, at iba pang mga panauhin at kinatawan.





